MANILA, Philippines - Pagsisikapan ng Big Chill Superchargers na makumpleto ang paghakbang patungong semifinals sa PBA D-League Foundation Cup sa pagharap uli sa Cebuana Lhuillier Gems ngayong hapon sa Meralco Gym sa Ortigas Avenue, Pasig City.
Umukit ang Superchargers ng 72-64 panalo sa Gems noong Huwebes para maitakda ang sudden-death na tagisan na magsisimula sa ganap na ika-2 ng hapon.
Nakitaan ng determinasyon na makarating sa Final Four ang tropa ni coach Robert Sison kaya’t nagawang isantabi ang twice-to-beat advantage ng Gems.
Naniniwala si Sison na mayroon pang ilalabas ang mga alipores para samahan sa semifinals ang NLEX Road Warriors, Jumbo Plastic Giants at nagdedepensang kampeon Blackwater Sports Elite.
“I’m saying it now that we can do it,†wika ni Sison na aasa sa husay nina Janus Lozada at Brian Huruela na gumawa ng 22 at 19 puntos sa unang tagisan.
Maliban sa dalawang ito, nananalig ang mga panatiko ng Big Chill na tataas ang lebel ng pagla-laro nina Rodney Brondial at Adrian Celada na gumawa lamang ng tig-dalawang puntos.
Ang mga guards na sina Paul Zamar at Marcy Arellano na tumipa ng 16 at 12 puntos noong Huwebes, ang kakamada uli.
Pero kailangang maibalik ni coach David Zamar ang dating magilas na paglalaro ng mga malalaking players na sina Bambam Gamalinda, Bryan Ilad at Ken Acibar para hindi masayang ang naunang magandang pa-nimula.
Ang huling kabiguan ang pang-apat na sunod sa Gems upang malagay na ang isang paa sa hukay kahit nagkaroon ng 5-1 start.
Ang mananalo sa larong ito ang siyang makakatapat ng NLEX sa best-of-three semifinals. Ang Elite at Giants ang magsusukatan sa isang pares na magsisimula sa Huwebes.