MANILA, Philippines - Okupahan ang hu-ling dalawang puwesto sa semfinals ng PBA D-League Foundation Cup ang balak gawin ngayon ng nagdedepensang kampeon Blackwater Sports Elite at Cebuana Lhuillier Gems sa pagsisimula ng quarterfinals na gagawin sa Meralco Gym sa Ortigas Ave., Pasig City.
Katapat ng Elite ang Café France Bakers sa ganap na ika-2 ng hapon bago sundan ng salpukan ng Gems at Big Chill Superchargers dakong alas-4 at parehong nanalo ang Blackwater Sports at Cebuana Lhuillier sa mga kalaban sa pagkikita sa elimination round para paboran sa tagisan.
May twice-to-beat advantage ang Elite at Gems dahil tumapos sila sa ikatlo at ikaapat na puwesto sa elims. May 6-3 karta ang Elite at nakapantay ang Jumbo Plastic Giants sa pangalawang puwesto pero ang Giants ang nakasama ng NLEX Road Warriors sa semifinals dahil nanalo sila sa Blackwater Sports sa naunang pagtutuos.
Pinalakas ni coach Leo Isaac ang kanyang puwersa nang kunin ang sentro na si Raul Soyud mula sa Derulo Accelero Oilers upang may makapalitan ang kanyang starting center na si Reil Cervantes.
Asahan na gagawin ng Bakers ang lahat ng makakaya para maipagpatuloy ang kampanya sa liga.
Sinuwerte ang tropa ni coach Edgar Macaraya dahil nakapasok sila sa round na ito nang silatin ng Oilers ang Boracay Rum Waves noong Martes.
Lumasap ang Café France ng 67-69 pagkatalo sa Elite pero itinuturing ng Bakers na sa breaks lamang sila nadisgrasya kaya’t mataas din ang kumpiyansa na maipapanalo ang laban.
Umani ang Gems ng 65-60 panalo sa Superchargers para maitaas ang kumpiyansa na bumaba matapos wakasan ang laro sa elims tangan ang three-game losing streak.
Kailangang bumalik ang dating lakas ng Gems dahil determinado ang Big Chill na umabante pa upang magkaroon ng pagkakataon na makapasok sa Finals sa ikalawang sunod na conference.
Ang tropa ni coach Robert Sison ay umabot sa championship round sa Aspirants’ Cup pero natalo sa NLEX. (AT)