OKLAHOMA CITY – Umiskor si Russell Westbrook ng Oklahoma City ng 38 points at kumunekta ng tatlong free throws sa huling 6.4 segundo ng laro para makabangon ang Thunder mula sa seven-point deficit sa final 50 seconds upang igupo ang Los Angeles Clippers, 105-104 nitong Martes at kunin ang 3-2 bentahe sa Western Conference semifinals.
Ang dramatikong panalo ng Oklahoma ay taliwas sa naging tagumpay ng Washington na naging magaan ang panalo laban sa Indiana, 102-79 para manatiling buhay ang kanilang pag-asa matapos idikit ang kanilang sari-ling serye sa 3-2.
Na-foul si Westbrook ni Chris Paul habang tumitira ng 3-pointer nang naghahabol ang Thunder ng dalawang puntos.
Pagkatapos ng kanyang free throws, nag-drive si Paul patungo sa basket ngunit naagaw ni Reggie Jackson sa kanya ang bola at naubos na ang oras.
Tumapos si Kevin Durant ng 10 sa kanyang 27 points sa huling 3:23 minuto ng laro, para sa Thunder.
Nagtala si Blake Griffin ng 24 points at 17 rebounds, nagsumite naman si Jamal Crawford ng 19 points habang si Paul ay may 17 points at 14 assists para sa Clippers.
Maaaring tapusin ng Thunder ang series nitong Huwebes sa Los Angeles.
Lamang ang Clippers sa 101-88 sa fourth quarter sa 3-pointer ni Crawford bago umiskor si Durant ng 3-pointer, 3:23 minuto ang natitira sa laro na sinundan niya ng dalawang free throws para ilapit ang Thunder sa 101-95.
Bumaba sa apat na puntos ang kalamangan ng Clippers sa basket ni Jackson.
Ipinasok ni Griffin ang una sa dalawang free throws at nakuha ng Clippers ang offensive rebound sa ikalawa para makatira si Paul ng mid-range jumper na nagbigay sa Clippers ng 104-97 kalamangan, 49 segundo na lang ang natitira.
Umiskor si Durant ng 3-pointer na sinundan agad ng kanyang lay-up, 17 segundo na lang. Naka-steal si Westbrook at sa agawan ng bola ay nakuha ng Thunder ang possession, 11.3 segundo na lang para sa play kay Westbrook.
Sa Washington, umiskor si Marcin Gortat ng 31 points at may 16 rebounds, nagdagdag si John Wall ng 27 points nang gamitin ng Wizards ang 39-rebound advantage upang igupo ang Indiana.