MANILA, Philippines - Sinandalan ng Blackwater Sports Elite ang three-pointer ni Reil Cervantes para ibigay sa nagdedepensang kampeon ang 85-78 panalo sa Cebuana Lhuillier Gems sa PBA D-League Foundation Cup kahapon sa Meralco Gym sa Ortigas Ave., Pasig City.
Naglaho ang 72-62 kalamangan na taglay ng Elite sa huling yugto pero hindi kinaya ng Gems na makumpleto ang pagba-ngon para tapusin ng tropa ni coach Leo Isaac ang kampanya sa elims bitbit ang 6-3 baraha.
Nasa ikalawang puwesto ngayon ang Elite at sasamahan nila ang walang talong NLEX Road Warriors (9-0) sa semifinals kung matalo ang Jumbo Plastic sa Café France Bakers sa pagtatapos ng eliminations ngayong hapon.
May 23 puntos at 10 rebounds si Cervantes bukod sa tatlong tres, habang sina Kevin Ferrer, Gilbert Bulawan at Jericho Cruz ay naghatid pa ng 13, 11 at 10 puntos.
Tumapos si Gabriel Banal tangan ang 16 puntos habang sina Paul Zamar, Marcy Arellano at Alvin Padilla ay nagdagdag ng 14, 13 at 13 puntos para sa Gems na lumasap ng ikatlong sunod na ka-biguan tungo sa 5-4 karta.
Nalaglag ang Gems sa quarterfinals pero hawak nila ang mahalagang twice-to-beat advantage sa makakalaban dahil tatapos sila sa ikatlo o ikaapat na puwesto sa standings.
Tinapos ng Hog’s Breath Café Razorbacks ang kampanya ng Caga-yan Valley Rising Suns sa 90-89 overtime panalo sa unang laro.
Ang offensive rebound at puntos ni Billy Ray Robles sa sablay na 3-point attempt ni Paul Sanga sa huling 0.8 segundo ang nagresulta para tapusin ng Razorbacks ang kampanya bitbit ang ikatlong panalo matapos ang siyam na laro.
Masakit na pagkatalo ito para sa Rising Suns dahil hindi nila nahawakan ang kalamangang taglay sa huling mga segundo sa regulation at overtime periods upang mamaalam bitbit ang 3-6 baraha.