Walang dungis ang Road Warriors

MANILA, Philippines - Nag-init agad si Kevin Alas sa first  half para bigyan ang NLEX Road Warriors ng magandang kalamangan tungo sa 70-58 panalo sa Big Chill Superchargers sa PBA D-League Foundation Cup kahapon sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.

Kumana ng 4-of-6 shooting sa unang 20 minuto si Alas at naibagsak ang lahat maliban sa isa sa kabuuang 15 puntos sa nasabing dalawang yugto para walisin ng Road Warriors ang single round elimination (9-0).

Si Jake Pascual ay naghatid ng 16 puntos sa 7-of-15 shooting, bukod sa 9 rebounds habang may 10 puntos at 10 rebounds si Ola Adeogun para sa NLEX na pasok na sa semifinals.

Tumapos taglay ang tig-11 puntos sina Jeckster Apinan at Janus Lozada para sa Superchargers na tinapos ang kampanya sa yugto tangan ang 4-5 karta.

Naungusan ng nagdedepensang kampeong Blackwater Sports Elite ang Café France, 69-67 para sumalo sa pangalawang puwesto bitbit ang 5-3 karta.

Kinailangan ng Elite na magtrabaho sa huling 10 minuto ng labanan para maisantabi ang di magandang ipinakita sa ikalawa at ikatlong yugto na dinomina ng Bakers.

“Ang mga beterano namin ang nagsalba sa amin,” wika ni Blackwater coach Leo Isaac. “Mahalaga ang larong ito pero hindi maganda ang ipinakita ng iba. Mabuti na lamang at nailusot namin ito.”

Bumaba ang Bakers sa 3-5 karta at nahaharap sa must-win kontra sa Giants sa pagtatapos ng eliminasyon sa Martes para manatiling buhay ang paghahabol ng puwesto sa quarterfinals.

 

Show comments