MANILA, Philippines - Pinangatawanan ng coupled entries Malaya at Kanlaon ang pagiging paborito sa 3YO Special Handicap Race nang dominahin ang anim na kabayong karera sa pagsisimula ng pista sa Metro Turf sa Malvar, Batangas.
Sa tindi ng husay ng dalawang tatlong taong mga kabayong ito ay ang mga sakay nina jockeys Jonathan Hernandez at Kevin Abobo ang siyang naglaban para sa kampeoÂnato sa karerang inilagay as isang milya.
Agad na kinuha ng Kanlaon na dala ni Abobo ang liderato sa pagbukas ng aparato pero sumunod agad ang sakay ni Hernandez na Malaya bago humabol ang Up And Away. Bago dumating ng far turn ay magkasabay na ang coupled entries at sa pagdating sa far turn ay kinuha na ng Malaya ang unahan hanggang sa iwanan ang Kanlaon ng halos dalawang dipa sa meta.
Ang opisyal na tumapos sa ikatlong puwesto ay ang Up And Away na naiwan ng halos limang dipa ng nanalong kabayo.
Naghatid ang win ng P6.00 habang ang 1-5 forecast ay nagbigay pa ng P15.50 dibidendo.
Maganda rin ang kondisyon na naipakita ng kabayong Limit Less sa pagdiskarte ni JD Juco at tumakbo kasama ang coupled entry na Lucky Master sa Philracom Summer Racing Festival para sa mga 3-year old horses (HR2).
Malakas na ayre agad ang ipinakita ng Limit Less para iwanan agad ng halos limang dipa ang may anim na kabayong nasa ikalawang pangkat tungo sa banderang tapos sa 1,000-metro distanÂsyang karera.
Ang dominanteng panalo ay nagresulta sa pagbulsa ng connections ng Limit Less ng P25,000.00 premyo mula sa Philippine Racing Commission (Philracom).
Nagpasok ng P7.00 ang win habang ang pagpangalawa ng Fly Me To The Moon para sa 4-2 forecast ay mayroong P29.00 dibidendo.
Ang Galaxy ang siyang nagbigay ng pinakamalaking dibidendo sa gabi na pumalo lang sa P13.50.
Sa class division 1 ginawa ang labanan at tinalo ng Galaxy ni CM Pilapil ang King Eagle ni RM Ubaldo para sa 3-7 forecast na may P34.50 dibidendo. (AT)