MANILA, Philippines - Iiwas ang Adamson Lady Falcons sa masali-muot na daan para makapasok sa semifinals sa Shakey’s V-League Season 11 First Conference.
Katipan ng Lady Falcons ang semifinalists nang UST Tigresses sa ikalawang laro dakong alas-4 ng hapon at puntirya nila ang ikalawa at huling upuan sa Final Four sa Group 1 sa ligang inor-ganisa ng Sports Vision katuwang ang Shakey’s.
May 1-1 karta ang Adamson, pumang-apat sa 2013 first conference sa ligang may ayuda pa ng Mikasa, Accel at Lion Tiger Mosquito Coil at angat sila ng isang laro sa Davao Lady Agilas at Ateneo Lady Eagles na may 1-2 karta.
Sakaling matalo ang Lady Falcons ay magkakaroon ng 3-way tie sa ikalawa hanggang ikaapat na puwesto sa 1-2 karta.
Kung magkakaganito ay gagamitin ang quotient para madetermina ang ranking ng tatlong koponan na sasailalim sa double playoff para madetermina ang aabante sa semis.
Ang Ateneo ang lalabas na number two at hihintayin ang mananalo sa pagitan ng Lady Agilas at Lady Falcons na haharap sa unang knockout.
Pero kung ang Adamson ang lulusot sa UST, mamamaalam na ang nanggugulat na guest team ng Davao at UAAP champion Ateneo.
Galing sa straight sets panalo ang Adamson sa Davao at sasandalan nila ang husay nina Shiela Pineda, Pau Soriano at Thai import Patcharee Sangmuang upang dumiretso na sa semis.
Ngunit asahan ang pa-laban na Tigresses na nais kunin ang ikaanim na sunod na panalo at momentum papasok sa Final Four na paglalabanan sa isang best-of-three series.
Ang batang guest player ng UST na si Ennajie Laure na naghahatid ng 14 puntos kada-laro ang mangunguna sa pag-atake pero asahan ang suporta pa ng mga beteranong sina Carmela Tunay, Pam Lastimosa, Marivic Meneses at Rhea Dimaculangan.
Unang laro sa ganap na ika-2 ng hapon ay sa pagitan ng nagdedepensang kampeon National University at St. Benilde na isa nang no-bearing game dahil talsik na ang huli sa Group 2. (AT)