MANILA, Philippines - Sinandalan ng FEU ang lakas ng mga guest players na sina Rachel Ann Daquis at Jovelyn Gonzaga para umabante sa semifinals ng Shakey’s V-League Season 11 First Conference matapos ang 25-16, 25-15, 24-26, 25-16 panalo sa Arellano Lady Chiefs kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Binigo naman ng Adamson Lady Falcons ang tangkang pagpasok sa Final Four ng baguhang Davao Lady Agilas sa inangking 25-15, 25-23, 25-15 straight sets panalo sa ikalawang laro.
Ang mga beteranang sina Shiela Pineda at Thai import Patcharee Sangmuang ay gumawa ng 14 at 13 kills para sa Lady Falcons na may 1-1 karta sa Group 1.
Kailangan nilang ta-lunin ang nasa semifinals nang UST Tigresses bukas para matiyak na magpapatuloy ang kampanya sa ligang inorganisa ng Sports Vision katuwang ang Shakey’s.
Bumaba ang Lady Agilas sa 1-2 baraha para saluhan ang Ateneo Lady Eagles sa huling puwesto.
Ininda ng koponan ang 22 errors at 17 rito ay ginawa sa unang dalawang sets para madiskaril ang hanap na panalo na nagpasok na sana sa koponan sa susunod na round.
Lumutang ang ang-king galing ng dalawang manlalaro at si Daquis ay nagtala ng 21 puntos mula sa 13 kills, 5 aces at 3 blocks habang si Gonzaga ay may 20 puntos na sinahugan ng 13 kills, bukod pa sa 13 digs.
Matapos kunin ang unang dalawang sets ay nagkumpiyansa ang Lady Tamaraws sa third set at nagkaroon ng 11 errors para maisuko ang set.
Ang panalo ay ikalawa sa 3-laro ng FEU sa Group 2 upang samahan ang nagdedepensang kampeong National University Lady Bulldogs (2-0) sa semifinals sa torneong may ayuda pa ng Accel, Mikasa at Lion Tiger Mosquito Coil.
May 11 puntos si Danna Henson pero kinulang siya ng suporta para mamaalam na ang Lady Chiefs sa tinapos na 1-2 baraha. (AT)