MANILA, Philippines - Sinandalan ng Blackwater Sports Elite ang mahusay na tambalan nina Reil Cervantes at Kevin Ferrer sa huling 0.3 segundo para maitakas ang 96-94 overtime panalo sa Boracay Rum sa PBA D-League Foundation Cup kahapon sa JCSGO Gym sa Cubao, Quezon City.
Nakuha ng 6’5†na si Cervantes ang midcourt inbound pass ni Ferrer tungo sa nakumpletong alley-hoop play para masungkit din ng nagdedepensang kampeon ang ikaapat na panalo matapos ang pitong laro.
Si Cervantes na nagnanais na mabitbit ng Blackwater sa pag-akyat nila sa PBA ay tumapos taglay ang 27 puntos, kasama ang 11-of-13 shooting sa 2-point field goals.
Siya rin ang nagpatabla sa huling pagkakataon sa 94-all bago nabalik ang bola sa Elite sa error ng Waves na bumaba sa 3-5 baraha.
“It’s a special play. We run it in practice for situa-tions like this and we’re lucky we are able to do it in an actual game,†wika ni Isaac na kumapit pa sa ikaapat na puwesto sa team standings.
Nabulabog naman ang mga nasa ibaba dahil nanalo ang Café France Bakers sa Cagayan Valley Rising Suns, 70-66, habang di-naig ng Derulo Accelero Oilers ang Hog’s Breath Café Razorbacks, 82-78, sa iba pang mga laro.
Nagpakawala ng kanyang ikalawang tres sa laro si Alvin Abundo para pasiklabin ang 8-2 endgame run na nagbangon sa Bakers mula sa 62-64 iskor sa huling 2:20 ng labanan.
Si Rodrigue Ebondo ang nagdala sa Bakers sa kanyang 14 puntos at 17 rebounds para tapusin ng koponan ang apat na sunod na pagkatalo tungo sa 3-4 baraha.
Bumaba ang Rising Suns sa 3-5 baraha na kumulekta ng pinagsamang 30 puntos mula kina Ed Daquioag at Kenneth Ighalo.
Naipasok naman nina Jackson Corpus at King Importante ang mga assists ni Jiovani Jalalon upang makuha ng Oilers ang ikalawang sunod na panalo matapos ang anim na sunod na kabiguan.
Ang split ni Reneford Ruaya ang nagbigay ng 78-77 kalamangan sa Razorbacks pero hindi na sila nakapuntos upang ang koponan na naglaro sa semifinals sa Aspirants’s Cup ay namaalam na sa liga.