CEBU CITY, Philippines – Sinabi ni John Riel Casimero, tinanggalan ng IBF light-flyweight belt dahil sa kabiguang makuha ang itinakdang weight limit kamakalawa, na wala na siyang magagawa kundi ang umakyat ng weight division.
“Babawi ako,†sabi ng 24-anyos na Filipino kahapon sa press conference ilang oras bago ang kanyang laban kay Mauricio Fuentes ng Colombia kagabi sa Waterfront Hotel.
Sinabi ng tubong Cebu na aakyat na siya sa flyweight division.
Bunga ng kabiguan niyang makuha ang weight limit na 108 pounds sa kanilang weigh-in noong Biyernes ay tinanggalan si Casimero ng kanyang suot na International Boxing Federation (IBF) light flyweight crown.
Kung tatalunin niya si Fuentes ay idedeklarang bakante ang IBF light flyweight title.
Tumimbang si Casimero ng 115 pounds dalawang araw bago ang nasabing weigh-in, habang kahapon ay sinabi niyang tumaas ito sa 120 lbs.
Sinabi naman ng 24-anyos na si Fuentes, hindi nakakapagsalita ng English at halos hindi sumagot sa press conference, na gagawin niya ang lahat para matalo si Casimero para maiuwi ang IBF belt sa Colombia.
Ayon kay Casimero, ginawa niya ang lahat para mapanatili ang kanyang IBF belt, ngunit hindi na kaya ng kanyang katawan sa light flyweight divsion.
“Nag-monitor naman kami pero hindi na talaga kaya ng katawan ko. Sa isip...kaya, ang katawan ko, suko na,†wika ni Casimero.
Nang masukatan siya ng bigat na 113.25 pounds noong Biyernes ay sinabi niyang balewala na kung magbabawas pa siya ng timbang.