MANILA, Philippines - Mahusay na naipuwesto ang Transformer sa balya upang bigyan agad ng kasiyahan ang mga dehadista sa pagbubukas ng karera sa buwan ng Mayo.
Sa Metro Turf sa Malvar, Batangas sinimulan ang karera sa buwan ng Mayo noong Huwebes ng hapon at ang Transformer ang siyang lumabas bilang pinakadehadong kabayo na nanalo sa 12 karerang pinaglabanan.
Si BL Valdez ang siyang nagrenda sa kabayo na naunang nalagay sa malayong ikalimang puwesto sa huling 400-metro sa 1,000-meter race na isang Philracom Summer Racing Festival.
Ang My Bilin ang naÂnguna bago sinundan ng Security Check , Mariz Manpower at Kryz Magic pero hindi napansin ang nasa likod na Transformer na naipuwesto n Valdez para sa malakas na pagremate.
Nakatulong sa pagbangon mula sa likod ng nanalong kabayo ang maluwag na balya para maagwatan ng kalahating kabayo ang nadehado pang Mariz Manpower ni SD Carmona.
Kumabig ang mga nanalig sa galing ng Transformer ng P546.50 habang P1,451.50 ang ibinigay sa 1-4 forecast.
Ang winning connections ng Transformer ay kumabig ng P25,000.00 na galing sa Philippine Racing Commission.
May apat pang Summer Racing Festival na idinaos at ang mga nanalo ay ang Fearless Boss, Security Command, Penrith at Surprise Call.
Ang Penrith na ginabayan ni Mark Alvarez, ang siyang outstanding favorite na nanalo sa unang araw sa dalawang araw na karera sa bakuran ng Metro Turf Club.
Sa pagbukas ng aparato ay umuna na ang Penrith habang sumunod ang Lucky Touch at Charismatic.
Hindi nanlamig ang nanalong kabayo at sa rekta ay lumayo pa tungo sa halos limang dipang agwat sa pumangalawang Charismatic ni JB Guce.
Balik-taya ang nangyari sa win (P5.00) habang ang 6-7 liyamadong forecast ay mayroong P7.50 dibidendo.
Nakasama sa mga kuminang ay ang You Are The One at Oyster Perpetual sa dalawang 3YO races na sinahugan ng P10,000.00 premyo sa nanalong mga kabayo. (AT)