Hinubaran ng titulo Casimero Disqualified
MANILA, Philippines - Bago pa man pakawalan ni John Riel Casimero ang kanyang unang suntok ay tinanggalan na siya ng kanyang world light flyweight crown.
Sa kanilang official weigh-in ni challenger Mauricio Fuentes ng Colombia kahapon sa SM Cebu Events Center ay hindi nakapasa si Casimero sa weight limit na 108 pounds.
Dahil dito ay tinanggal sa 24-anyos na tubong Ormoc City, Leyte ang kanyang suot na International Boxing Federation (IBF) light fllyweight belt.
Nakatakdang labanan ni Casimero si Fuentes ngayong gabi sa Waterfront Hotel and Cassino sa Cebu City.
Tumimbang si Casimero, nagdadala ng 19-0-2 win-loss-draw ring record kasama ang 9 knockouts, ng 113.25 pounds na sobra sa weight limit na 108 pounds para sa kanyang pagdedepensa laban kay Fuentes (16-2-0, 10 KOs).
Sa press conference matapos ang weigh-in ay inihayag ni Games and Amusements Board Commissioner Fritz Gaston, ang namamahala para sa laban sa IBF at ng mga GAB officials na hindi na pinilit ni Casimero na magbawas ng kanyang timbang.
Kapwa sinabi nina trainer Pingping Tepora at promoter Sammy Gello-ani na magkakaroon lamang ng epekto sa kalusugan ni Casimero kung pipilitin nitong magbawas ng timbang para mapanatiling suot ang kanyang titulo.
Ang IBF light flyweight crown ay idedeklarang bakante sakaling manaig si Casimero kontra kay Fuentes.
Pormal namang makakamit ni Fuentes ang nasabing titulo kung tatalunin niya si Casimero.
Ito sana ang magiging ikaapat na sunod na pagtatanggol ni Casimero sa kanyang IBF belt at pa-ngalawa sa bansa.
Noong Oktubre ng 2013 ay tinalo ni Casimero si Felipe Salguero ng Mexico via eleventh-round TKO sa Makati City.
Sa nasabing tagumpay kontra kay Salguero ay nahirapan din si Casimero na makuha ang division limit.
Sa kabila ng pagkakatanggal sa kanyang korona ay nangako naman si Casimero na gagawin ang lahat ng kanyang makakaya para talunin si Fuentes.
Plano ni Gello-ani na ilaban si Casimero sa flyweight division at maaaring sumabak sa isang title fight matapos ang dalawang laban.
Nauna nang sumubok si Casimero sa flyweight category ngunit natalo siya kay dating IBF titlist Moruti Mthalane ng South Africa noong 2011.
- Latest