MANILA, Philippines - Asahan na mas magi-ging handa ang mga tatakbo sa tampok na karera ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) na Presidential Gold Cup.
Ito na ang ika-42nd takbo ng karera na iniaalay sa Pangulo ng Pilipinas at di tulad noon na ang karera ay ginagawa sa unang linggo ng Disyembre. Ang magaganap na edisyon ay mapapanood sa Disyembre 21.
Gagawin uli ito sa San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite at ang Pugad Lawin ang tatayong nagdedepensang kampeon ng karerang huling pinag-labanan sa 2,000-metro distansya.
Magiging makasaysayan ang PGC sa taong ito dahil ito ang ika-80th anniversary year ng nagtataguyod na PCSO.
Ang mananalong kabayo ay tiyak na maghahatid ng magandang Kapaskuhan sa kanyang connections dahil nasa P4 milyon ang premyong sa karera.
Tatlong milyon ay ga-ling sa PCSO habang ang dagdag na isang milyon ay mula sa Philippine Racing Commission.
Nagpasikat na ang Pugad Lawin sa pakarera ng PCSO nang nanalo ito sa Freedom Cup noong Pebrero 23 sa Metro Turf sa Malvar, Batangas.
Inaasahang isasali rin ang nasabing kabayo sa itatakbong PCSO Silver Cup sa Hunyo 22 sa Santa Ana Park.
Itataguyod din ng PCSO ang National Grand Derby at Anniversary Race sa huling bahagi ng taon.
Ang Grand Derby ay gagawin sa Santa Ana Park sa Agosto 3 habang ang Anniversary Race ay itatakbo sa Oktubre 12 sa Metro Turf.
Ang mga nabanggit na malalaking karera ay bukod pa sa P1 milyon Maiden races na ginagawa buwan-buwan sa tatlong karerahan sa bansa.
Inaasahang sasali uli sa Gold Cup ang Hagdang Bato na natalisod nang tamaan ng gate ng aparato upang masira ang diskarte ng kabayo noong nakaraang taon.
Galing ang Hagdang Bato sa impresibong panalo sa Philracom Commissioner’s Cup at hindi malayo na makasukatan uli ang Pugad Lawin sa Silver Cup.
Nakabawi na kahit paano ang Hagdang Bato sa Pugad Lawin nang nagkasukatan sa Freedom Cup.
Naubos ang Pugad Lawin sa paghabol sa Hagdang Bato at tumapos sa pangatlong puwesto lang sa huling PCSO race.