MANILA, Philippines - Nagpasikat ang mga nasa ilalim ng standings na Derulo Accelero Oilers at Cagayan Valley Rising Suns na nagsipagpanalo sa PBA D-League Foundation Cup kahapon sa JCSGO Gym sa Cubao, Quezon City.
Tumipak ng 17 puntos, 8 rebounds at 7 assists si Jiovani Jalalon habang may 16 puntos, 17 rebounds at 3 blocks si Raul Soyud at ang Oilers ay nakaisang panalo matapos ang anim na sunod na kabiguan sa 77-76 panggugulat laban sa Big Chill Superchargers.
May 15 puntos pa si Michael Juico at ang tatlong Oilers ang nagsanib para iwanan ng 10 puntos ang Superchargers sa hu-ling yugto, 76-66.
Nagawa pa ng pumangalawa sa Aspirants’ Cup na dumikit sa isang puntos, 77-76, sa pagtutulu-ngan nina Janus Lozada, Dexter Maiquez, Mark Canlas at Mar Villahermosa sa huling 48 segundo.
Pero matapos ang error ni Jalalon ay hindi nakagawa ng magandang play ang Big Chill upang lasapin ang ikaapat na pagkatalo sa pitong laro.
Nakitaan din ng tibay ng dibdib ang Rising Suns para makumpleto ang 93-91 tagumpay sa nagdedepensang kampeon Blackwater Sports Elite sa isa pang laro.
Lamang na ng 11 puntos ang Cagayan Valley (89-78) sa huling 1:55 ng labanan nang tila maka-kabangon pa ang Elite nang nagpakawala ito ng 8-0 bomba at makadikit sa tatlo (89-86).
Ngunit hindi pinayagan nina LA Revilla at Ed Daquioag na masayang ang pinagpaguran ng koponan nang pagitnaan ang buslo ni Pari Llagas at itulak pa ang Rising Sungs sa 93-88 sa huling 39 segundo ng labanan.
Sina Lord Casajeros at Kenneth Ighalo ay mayroong 23 at 21 puntos at ang Rising Suns ay nagpatibay sa labanan para sa puwesto sa quarterfinals nang nakasalo ang Big Chill sa mahalagang ikaanim na puwesto sa 3-4 karta.
Nagtapos naman ang tatlong sunod na panalo ng Elite tungo sa 3-3 karta.