Davao Lady Agilas pinigilan ng UST Lady Tigresses

MANILA, Philippines - Nangibabaw ang determinasyon ng UST Lady Tigresses para supilin ang naunang mainit na paglalaro ng Davao Lady Agilas tungo sa 23-25, 25-22, 25-19, 25-17 panalo sa Shakey’s V-League Season 11 First Conference kahapon sa The Arena sa San Juan City.

Isang set ang kinailangan ng Lady Tigresses para basahin ang laro ng Lady Agilas saka gumawa ng mga adjustments upang masungkit ang ikatlong sunod na panalo matapos ang apat na laro at ipatikim ang unang kabiguan ng bisitang koponan sa ligang inorganisa ng Sports Vision katuwang ang Shakey’s.

Dahil sa tagumpay, ang UST ang ikatlong koponan sa Group B na pumasok na sa quarterfinals sa ligang may ayuda pa ng Mikasa, Accel at Lion Tiger Mosquito Coil.

Gumana ang mga atake nina Carmela Tunay at Pamela Lastimosa nang nagtala ng 20 at 19 puntos at nagsanib sa 34 kills.

May apat na blocks ang nangunguna sa departamento na si Marivic Meneses pero nakatulong ang apat pang blocks ng setter na si Ma. Loren Lantin para kunin ng Lady Tigresses ang 13-7 kalamangan.

Nakatulong din sa pagdepensa sa naunang matikas na opensa ng Lady Agilas ang 10 at 8 digs nina Dancel Jan Dusaran at Lastimosa habang kinapitalisa rin ng UST ang 26 errors ng katunggali para magkatabla ang dalawa sa ikalawang puwesto sa kanilang grupo.

Sinaluhan naman ng Adamson Lady Falcons ang Arellano Lady Chiefs at Ateneo Lady Falcons sa unang puwesto sa 4-1 karta sa 25-9, 25-19, 27-25 straight sets panalo sa St. Benilde Lady Blazers sa ikalawang laro sa ligang may ayuda pa ng Mikasa, Accel at Lion Tiger Mosquito Coil.

Itinaas man ng Lady Blazers ang antas ng paglalaro sa bawat set na pinaglabanan at kinaya itong higitan ng Lady Falcons upang ipalasap ng St. Benilde ang ikatlong pagkatalo sa limang laro.

Sa third set nagkaroon ng pagkakataon ang Lady Blazers na manalo nang simulan ang labanan sa 6-0 at umangat pa sa 19-14.

Pero sa pagdadala ng setter na si Fenela Risha Emnas at mga atake nina Myleen Paat at Thai import Pacharee Sangmuang ay nakabawi ang koponan ni Sherwin Meneses tungo sa 3-0 panalo.

Tig-10 ang ibinigay nina Paat at Sangmuang habang may 17 excellent sets si Emnas.  

 

Show comments