Tupas mas malaki na ang kabuuang kita

MANILA, Philippines - Humataw ang mga kabayong sinasanay ng batikang trainer na si Ruben Tupas para agawin na ang liderato sa palakihan ng kinita sa hanay ng mga trainers.

May 14 panalo ang naiposte ng mga kabayong nasa pangangalaga ni Tupas upang alpasan na si Dave Dela Cruz na siyang nanguna sa hanay ng mga trainers sa unang dalawang buwan sa taong 2014.

Mayroong 31 panalo na ang mga kabayo ni Tupas bukod sa 40 segundo, 30 tersero at 29 kuwarto puwestong pagtatapos upang lumawig na ang kabuuang premyo na napanalunan sa P690,233.26.

Si Dela Cruz ang nangunguna sa paramihan ng panalong naitala sa 35 bukod sa 36 segundo, 41 tersero at 28 kuwarto puwesto.

Pero may 12 kabayo lamang ang nanalo sa kanyang hanay para maiwan ng bahagya ni Tupas sa kanyang P650,785.60 premyo.

Nanatili sa ikatlong puwesto si Conrado Vicente at RP La Rosa habang si Danilo Sordan ang umangat sa ikalimang puwesto mula sa dating pang-sampung puwesto sa talaan.

May P569,647.16 premyo na si Vicente sa 30 panalo 37 segundo, 25 tersero at 27 kuwarto puwesto habang si La Rosa ay kumabig na ng P539,160.52 premyo sa 37-28-14-12.

Si Sordan na nagpanalo ng 13 kabayo sa buwan ng Marso ay may kabuuang 25 panalo bukod sa 21-14-16 ikalawa hanggang ikaapat na puwestong pagtatapos upang magkaroon na ng P407,008.64 kita.

Ang dating nasa ikalimang puwesto na si Renato Hipolito ay bumagsak sa ikasampung puwesto  matapos ang pitong panalo. May P339,834.81 prem­yo na si Hipolito sa 20 panalo bukod sa 14 segundo, 5 tersero at 9 kuwarto puwestong pagtatapos.

Si MM Vicente ang nasa ikaanim na puwesto bitbit ang P395,720.97 (19-19-24-25), si RR Henson ang nasa ikapitong puwesto tangan ang  P382,440.19 (22-23-11-15), si JC Pabilic ang nasa ikawalo sa P381,277.55 (22-25-16-14) at si RR Yamco ang nasa ikasiyam na puwesto sa P377,200.35 (22-15-28-26). (AT)

 

Show comments