MANILA, Philippines - Kinupkop ni Philippine Amateur Track and Field Association (Patafa) president Go Teng Kok sina multi-titled Joseph Sy at Roselyn Hamero.
Sa sulat ni Go kay Philippine Sports Commission (PSC) chairman Richie Garcia, mananatili sina Sy at Hamero sa national team at sasagutin ng Patafa ang kanilang buwanang sahod bilang pagtanaw ng utang na loob at pagbibigay ng parangal sa dalawa na naging susi sa maraming tagumpay ng Pinoy sa international meet.
“The PATAFA is not rich, and keeping them will be an added burden. But we cannot abandon Sy and Hamero, who spent most of their lives in athletics, albeit underpaid and unappreciated by the PSC,†pahayag ni Go.
Matatandaang sinibak ni PSC commissioner Jolly Gomez ang dalawang coach bunsod ng akusasyon ng pagpapabaya sa kanilang trabaho at pandodoktor sa record ng mga atleta. Kapwa itinanggi ng dalawa ang akusasyon na anila’y pamemersonal lamang ng PSC official.
Bago ang desisyon ni Gomez, ginabayan nina Sy at Hamero ang athle-tics team sa anim na ginto, apat na silver at tatlong bronze medal sa Myanmar Southeast Asian Games – sapat para makamit ng Patafa ang karangalan bilang ‘winningest sports association.’
Sa kabila ng binuong special investigating committee na pinamunuan ni Philippine Olympic Committee (POC) chairman Tom Carrasco, nagmistula itong moro-moro kung saan kinatigan ang naging desisyon ni Gomez kasabay ang pagdagdag sa isyu na inirereklamo umano si Sy dahil sa kanyang negosyong pautang.
Pinagbawalan na ring makapasok sa lahat ng training venue ng Rizal Memorial Sports Complex si Sy na nagbuo lamang ng kalituhan sa mga atleta na patuloy na sinasanay ni Sy.
“Sy has made the Rizal Memorial Sports Complex his second home,†ani Go.