MANILA, Philippines - Nagpatuloy ang magandang paglalaro ng mga kasapi ng UST Lady Tigresses para kunin ang ikalawang sunod na panalo sa San Sebastian Lady Stags, 25-16, 20-25, 25-14, 25-20, sa Shakey’s V-League Season 11 First Conference noong Linggo ng gabi sa The Arena sa San Juan City.
Lahat ng mga inaasahan sa koponan sa pa-ngunguna ng batang guest player na si Ennajie Laure ay nakitaan ng galing para ilapit na ang isang paa patungo sa minimithing puwesto sa quarterfinals sa ligang inorganisa ng Sports Vision katuwang ang Shakey’s sa 2-1 baraha sa Group B.
Ang MVP sa UAAP juniors na si Laure ay gumawa ng16 kills tungo sa 18 puntos pero gumana rin ang laro nina Marivic Meneses, Pamela Lastimosa ang isa pang guest player na si Rhea Dimacu-langan upang makapagdomina ang UST sa multi-titled team Baste.
May 15 puntos si Meneses at walo rito ay galing sa blocks habang si Lastimosa ay may11 puntos, tampok ang 8 hits.
May 32 excellent sets si Dimaculangan pero ang nakasakit pa sa Lady Stags ay ang kanyang limang service aces. Tumapos ang beteranang setter taglay ang walong puntos.
Si Czarina Berbano ay mayroong 13 puntos na lahat ay galing sa pag-atake habang bumalik na si Gretchell Soltones sa Lady Stags na may walong kills tungo sa siyam na puntos.
Ngunit kulang ang suporta ng mga kakampi para madehado ang San Sebastian sa kabuuan ng labanan sa larong may ayuda pa ng Accel, Mikasa at Tiger Lion Mosquito Coil.
Angat ang UST sa kills, 41-35, blocks, 15-4, at serve 10-5, para maisantabi ang 31 errors sa laro.
Walang laro na magaganap sa linggong ito dahil makikiisa ang liga sa paggunita ng Semana Santa at babalik ang aksyon sa Linggo (Abril 20) sa pagkikita ng FEU Lady Tamaraws at Davao Agilas sa unang laro at St. Benilde Lady Blazers at Ateneo Lady Eagles sa ikalawang laro.