Hahataw ang karera sa buwan ng Mayo
MANILA, Philippines - Walang nakatalaga na malaking karera ang Philracom sa buwan ng Abril na siyang paÂnimula sa ikalawang quarter sa taong 2014.
Ngunit sa buwan ng Mayo ay hahataw ang tagisan ng mga mahuhusay na pangarerang kabayo at mangunguna rito ang mga three-year old horses sa pagbubukas ng 2014 Philracom Triple Crown Championship.
Sa Metro Turf uli bubuksan ang tagisan sa Mayo 18 at ito ay paglalabanan sa 1,600-metro distansya.
Bago ito ay itatakbo muna ang Hopeful Stakes race sa nasabi ring distansya na gagawin sa Mayo 17.
Ang mananalo rito ay makakasama sa mga tatakbo sa second leg ng Triple Crown sa Hunyo 15 sa Santa Ana Park sa Naic, Cavite.
Sa Mayo 6 itinakda ang nominasyon ng mga tatakbo sa Hopeful at 1st Leg ng Triple Crown habang ang official declaration ng mga sasali ay sa May 12.
Ang second leg ay gagawin sa mas mahabang 1,800-metro distansya habang ang ikatlo at huling yugto ng TC ay sa Hulyo 27 sa San Lazaro Leisure Park sa makapigil-hiningang 2,000-metro distansya.
Sinahugan ang bawat leg ng P3 milyon premÂyo ng nagtataguyod na Philracom at ang mananalo ay magbibitbit ng P1.8 milyon gantimpala.
Ang kabayong makakawalis sa lahat ng leg ang gagawaran ng karagdagang P1 milyon premyo.
Noong 1978 sinimulan ang Triple Crown at may siyam na kabayo pa lamang ang kinilala bilang Triple Crown champion.
Ang huling kabayo na winalis ang tatlong yugtong karera ay ang mahusay na Hagdang Bato noong 2012.
Ang iba pang Triple Crown champions ay ang Silver Story (2011), Real Top (1998), Strong Material (1996), Sun Dancer (1989), Magic Showtime (1988), Time Master (1987), Skywalker (1983) at Fair And Square (1981).
Magbabalik naman sa Hunyo ang tagisan sa Imported/Local (3YO-pataas) stakes race sa Hunyo 8.
Ito ang ikatlong yugto ng karera na sinahugan ng P500,000.00 premyo at ang tagisan na gagawin sa Metro Turf ay sa 1,800-metro.
Ang nominasyon ay gagawin sa Mayo 27 habang ang deklaÂrasyon ay sa Hunyo 2.
Ang Classy And Swift at Tensile Strength ang siyang naging kamÂpeon sa una at ikalawang leg na itinakbo noong Enero at Marso. (AT)
- Latest