Arellano unang team sa quarterfinals
MANILA, Philippines - Naging magaan ang panalo ng Arellano University laban sa St. Louis University of Baguio, 25-13, 25-9, 25-13 para maging unang koponan na nakapasok sa quarterfinals ng Shakey’s V-League Season 11-1st Confe-rence na nagpatuloy sa The Arena sa San Juan City kahapon.
Nagpamalas si Christine Joy Rosario ng solidong performance para magtapos na may match high na 15 hits, 11 mula sa attacks at apat mula sa blocks habang si Dana Henson ay nagtala ng 10 puntos upang isulong ang Lady Chiefs sa quarters.
“Reception at blocking ang nagpanalo sa amin,†sabi ni Arellano U coach Obet Javier, na nagmando sa Legarda-based lady spikers sa kanilang runner-up finish sa NCAA women’s volleyball makaraang yumuko sa nag-champion na Perpetual Help noong nakaraang season.
Sa pangunguna ni Rosario, hindi pinaporma ng Arellano U ang St. Louis sa paghataw ng 16 kills lamang sa 91 attempts na malayo sa 39-of-92 ng Arellano.
Naglista din ang Lady Chiefs ng 27 excellent digs laban sa siyam ng Lady Navigators.
May pinagsamang 5 aces sina Mary Jane Ticar at Elaine Sagun para sa Arellano na puntiryang mawalis ang eliminasyon kung mananalo sa Adamson University bukas sa torneong suportado ng Mikasa, Accel at Lion Tiger Mosquito Coil.
Sinandalan naman ng National U ang magkapatid na Dindin at Jaja Santiago nang kanilang igupo ang Gretchel Soltones-less San Sebastian , 25-16, 25-19, 25-16, para makalapit sa quarters.
Ang 6’2 na si Dindin at 6’4 na si Jaja ay may pinagsamang 23 hits habang nagdagdag naman si Aiko Urdas ng 12 hits para tulungan ang defending champion na Lady Bulldogs na makopo ang kanilang ikatlong sunod na panalo.
- Latest