MANILA, Philippines - May ilang kabayo na pinagpahinga matapos ang injuries na dumapo sa mga ito nang lumahok sa isang karera.
Ang Flight Attendant ang siyang may pinakamahabang pahinga na ibinigay matapos suspindihin muna ang kabayo sa loob ng tatlong buwan.
Huling tumakbo ito noong Marso 31 sa bakuran ng MetroTurf sa Malvar, Batangas at ang kabayong sinakyan noon ni jockey CS Penolio ay nadiskubre na nagkaroon ng bilaterial epistaxis sa ikatlong pagkakataon.
Upang makita na unti-unti nang bumabalik ang maayos na kondisyon ng kabayo, pinatatakbo ito sa isang barrier race isang buwan matapos itong masuspindi.
Isang buwan namang hindi makikita ang kaba-yong Itoai dahil may inindang injury sa paa matapos kumarera noong Abril 3 sa Santa Ana Park.
Si JD Juco ang hinete ng kabayo noong nangyari ang insidente. Isang barrier trial ang dapat nitong takbuhin upang makita ang kondisyon.
Ang Cool Summer ay pinagpahinga naman sa loob ng tatlong linggo dahil paika-ika rin itong bumalik ng kanyang kuwadra matapos ang pagtakbo sa race five noong Marso 31 sa ikatlong race track sa bansa.
Dahil first offense lamang ito ng kabayo, hindi umabot ng buwan ang pahinga nito at kailangan ding tumakbo sa isang barrier race para makita na maayos na ang kondis-yon at makabalik na sa pangangarera.
Pinatawan naman ng multang P1,000.00 ang hineteng si RC Baldonido dahil nahuli ang paglo-load ng sakay na kabayo sa aparato.
Nangyari ito noong Abril 1 at naantala ang loading ng Batangas Magic dahil naiwan ni Baldonido ang weight bag na siyang ginagamit para maabot ang handicap weight ng mga kabayo.
Mahigpit na ipinatutupad ng mga racing clubs ang oras ng paglarga ng bawat karera kaya’t pinapatawan ng kaparusahan ang mga hinete o iba pang indibidwal na magi-ging dahilan para maudlot sa tamang oras ng paglarga ang isang karera.