MANILA, Philippines - Inilabas ng mga bete-ranong sina Aqeel Khan at Aisam Qureshi ang kanilang tunay na laro upang manalo sa reverse singles at kunin pa ng Pakistan ang 3-2 panalo sa Pilipinas sa pagtatapos ng Asia/Oceania Zone Group II Davis Cup tie kahapon sa PCA Indoor Courts sa Paco, Manila
Nagtungo ang mga manonood para suporta-han ang home team ngunit luhaan nilang nilisan ang maalinsangan na palaruan nang matalo ang mga local bets na sina Johnny Arcilla at Patrick John Tierro.
Si Arcilla ang siyang tinapik ni non-playing team captain Roland Kraut para palitan ang may iniindang si Fil-Am at number one player Ruben Gonzales at minalas pa si Arcilla na kinapitan ng matinding pulikat sa ikaapat na set na kung saan hawak niya ang 2-1 kalamangan sa best-of-five series.
Abante pa siya sa 2-0 sa ikatlong game ng fourth set pero naging limitado ang kanyang paggalaw dahil sa pulikat. Sa second game ng fifth set ay nagdesisyon na siya na itigil na ang paglaban tungo sa 6-4, 1-6, 6-2, 3-6, 1-5 (retired) pagkatalo kay Khan.
Si Tierro ang isinagupa sa world class na si Qureshi dahil si Fil-Am Treat Huey ay patuloy ang pananakit ng tiyan na nagsimula sa doubles noong Sabado na naisuko ng host team.
Lutang ang galing ni Qureshi, pumalit kay Samir Iftikhar, tungo sa 6-2, 6-3, 3-6, 6-4, tagumpay kay Tierro.
Ang Pakistan ang siyang makakalaban ng mananalo sa pagitan ng Thailand at Kuwait sa Setyembre para madetermina kung sino ang papasok sa Group I sa 2014 habang ang Pilipinas ay mananatili sa Group II sa susunod na taon. (AT)