Rockets kumuha ng playoff seat; Heat tinakasan ng Wolves sa 2 OT

HOUSTON -- Muling magmamartsa ang Houston Roc­kets sa playoffs sa ikalawang sunod na taon.

Umiskor si James Harden ng 39 points at tinapos ng Rockets ang isang three-game skid para angkinin ang isang playoff berth mula sa 111-107 panalo laban sa Oklahoma City Thunder.

Humakot naman si Kevin Durant ng 28 points at 12 rebounds para sa kanyang pang-40 sunod na laro na umiskor ng higit sa 25 points na tumabla sa kanya kay Michael Jordan na ipinoste noong 1986-87.

Sa kabila ng kabiguan ay nakamit pa rin ng Thunder, nauna nang nakakuha ng playoff berth, ang kanilang ikaapat na sunod na Northwest Division title matapos matalo ang Portland Trail Blazers sa Phoenix Suns, 93-109.

Ang three-point shot ni Durant ang nagdikit sa Oklahoma City sa isang puntos sa huling 1:01 minuto, ngunit nagsalpak ang Houston ng apat na dikit na free throws para muling makalayo.

Naglaro ang Rockets na wala sina Dwight Ho­ward at Patrick Beverley, iniupo ang kanilang pang-apat na sunod na laro dahil sa injury.

Sa Miami, tumipa si Corey Brewer ng isa sa kanyang dalawang free throws sa huling 1.8 segundo sa ikalawang overtime para talunin ng Minnesota Timberwolves ang Miami Heat 122-121.

Kumolekta si Kevin Love ng 28 points at 11 rebounds para sa Minnesota, habang may 24 markers si Chase Budinger, 15 si Gorgui Dieng at tig-13 sina JJ Barea at Ricky Rubio, nagtala din ng 14 assists.

Naimintis ni Ray Allen ang isang jumper sa pagtunog ng final buzzer sa huling posesyon ng Miami, nabigong lamangan ng dalawang laro ang Indiana sa Eastern Conference standings.

Tumipa si LeBron James ng 34 points para sa Heat, nakahugot ng season-high na 24 kay Mario Chalmers.

Show comments