Magaang panalo para sa Adamson, Arellano
MANILA, Philippines - Kinakitaan ng balanseng atake ang Arellano at Adamson tungo sa madaling panalo sa mga provincial teams sa Shakey’s V-League Season 11 First Conference kahapon sa The Arena sa San Juan City.
May 11 manlalaro ng Lady Chiefs ang umiskor sa laro laban sa CESAFI titlist Southwestern University upang katampukan ang 25-15, 25-17, 25-19, panalo para makasalo sa liderato ang Ateneo sa Group A sa 1-0 baraha.
Si Danna Henson ang nanguna sa Arellano sa kanyang 13 puntos, mula sa 10 kills at tatlong service aces habang si Christine Joy Rosario ay may 12 puntos, na galing sa 10 spikes at dalawang blocks.
Dominado ng Lady Chiefs ang spike, 49-22, pero malaking problema rin ng Lady Cobras ang reception dahil sa ibinigay na 7-0 kalamangan sa aces tungo sa 1-1 baraha sa ligang inorganisa ng Sports Vision katuwang ang Shakey’s.
Hindi din nagpabaya ang Lady Falcons laban sa St. Louis University tungo sa 25-10, 25-10, 25-20, panalo sa ikalawang laro.
Sinandalan ng Lady Falcons ang lakas sa pag-atake sa kinuhang 45-13 kalamangan para trangkuhan ang pagbangon mula sa pagyukod sa Ateneo sa unang laban.
May 11 puntos si My-lene Paat habang sina Jessica Galanza, Shiela Marie Pineda at Pau Soriano ay nagsanib sa 24 puntos.
Si Florence Madulid ang nagdala sa laban ng Lady Navigators sa anim na puntos lamang para malaglag ang koponan sa ikalawang sunod na pagkatalo sa ligang may ayuda pa ng Accel, Mikasa at Akari.
- Latest