Crusis ipinanalo ni Hernandez sa Special Imported class division

MANILA, Philippines - Nakita agad ang ba­ngis ng imported horse Crucis nang madaling naitala ang unang panalo sa taon na nangyari noong Martes ng gabi sa MetroTurf sa Malvar, Batangas.

Si Jonathan Hernandez ang hinete ng kabayong kinilala bilang pinakamahusay na imported horse noong 2013 at hindi naman napahiya ang tambalan matapos ang dominanteng panalo sa Special Imported class division race sa distan­syang 1,400-metro.

Hindi naramdaman ang ipinataw na 57-kilos handicap weight sa kabayong pag-aari ni dating Philracom commissioner Marlon Cunanan dahil  hindi nakasabay ang limang iba pang nakatunggali nang tumodo sa pagtakbo ang Crucis sa pagpasok ng far turn.

Naunang lumamang ang  Hyena ni Kevin Abobo na siyang may pinakamabigat na han­dicap weight sa mga tumakbo sa 58 kilos.

Ngunit sa pagbungad ng far turn ay kinuha na ng Crucis ang kalamangan at hindi na kinailangan ni Hernandez na gamitan pa ito ng latigo at sa halip ay itinu­lak-tulak lamang ang kabayo tungo sa panalo.

Tatlong kabayo ang naglaban para sa ikalawang puwesto at pinalad na nakasingit ang Caramel ni LT Cuadra sa Sliotar (JB Cordova) at Hyena.

Nagpatuloy din ang magandang ipinakikita ng Hari Ng Yambo upang makapagdomina ang mga liyamadong kabayo sa ikatlong race track ng bansa.

Si JPA Guce pa rin ang hinete ng kabayo na nagkampeon sa 2014 PCSO Freedom Cup at hindi umubra ang pagtutulungan ng coupled entries na El Libertador at Tiger Run para sa panalo sa special class division race sa 1,400m.

Naunang bumandera ang Tiger Run na dala ni  Hernandez pero hindi nagpaiwan ang Hari Ng Yambo at agad na sumunod ito.

Ganito ang puwestuhan hanggang sa likuran habang ang El Libertador ni AR Villegas ay naghabol mula sa ikaapat na puwesto tu­ngo sa ikatlong puwesto.

Sa pagpasok ng rekta ay ginamitan na ng latigo ni Guce ang sakay na kabayo para mauna na habang ang El Libertador ang pumalit sa napagod na stable mate.

Malakas pa ang na­ngungunang kabayo na siya ring number one sa kitaan matapos ang buwan ng Pebrero para sa halos pitong dipang panalo sa El Libertador.

 Ang Crucis ang lu­mabas bilang outstand­ing favorite na nanalo sa gabi matapos ang balik-taya dibidendo sa win (P5.00) habang ang panalo ng Hari Ng Yambo ay mayroong P7.50 na ibinigay.

Nagpasikat din ang kabayong Yes I Can nang magwagi sa 3YO & Above Maiden race para kunin din ang P10,000.00 added prize na ibinigay sa nanalo ng Philippine Racing Commission (Philracom).

Ginamit ni Villegas ang labas para maka­bangon mula sa mahinang panimula at naka­pagtala ng limang dipang panalo sa Tobruk ni Fernando Raquel Jr. na nanggaling sa malayong ikaanim na puwesto papasok sa rekta. (AT)

Show comments