MANILA, Philippines - Winakasan ng Rain or Shine ang kanilang dalawang sunod na kamalasan matapos igupo ang Meralco, 96-79, para sa kanilang ikalawang panalo sa 2014 PBA Commissioner’s Cup kahapon sa Smart Araneta Coliseum.
Sinamantala ng Elasto Painters ang pagkakaroon ng trangkaso ni 6-foot-10 import Brian Butch para pigilin ang Bolts sa tangka nitong pagsikwat sa ikalawang sunod na panalo.
Umiskor lamang si Butch ng 11 points sa panig ng Meralco, habang bumandera si reinforcement Alex McLean para sa Rain or Shine sa kanyang 23 markers kasunod ang 21 ni Jeff Chan.
Sinabi naman ni Elasto Painters’ coach Yeng Guiao na pinag-aaralan na nila ang pagpapalit ng import.
“We will talk about McLean’s status tomorrow,†wika ni Guiao sa paghugot nila kay Wayne Chism bilang kapalit ni McLean. “We have our options open. Our next game is on Monday so we need to decide tomorrow in practice probably by lunch time.â€
Matapos iposte ng Rain or Shine ang 15-point lead, 68-53, sa 3:34 ng third period mula sa basket ni McLean ay nakalapit ang Meralco sa 79-83 sa huling tatlong minuto ng fourth quarter.
Nagtuwang sina Mc-Lean, Chan at Ryan Araña para muling ilayo ang Elasto Painters sa Bolts sa 93-79 sa natitirang 46.3 segundo.
Kasalukuyan pang naglalaban ang Barangay Ginebra at ang Air21 habang isinusulat ito.
RAIN OR SHINE 96 - McLean 23, Chan 21, Lee 16, Norwood 13, Belga 7, Cruz 6, Araña 2, Almazan 2, Tiu 2, Ibañes 2, Rodriguez 2, Tang 0, Nuyles 0, Teng 0.
Meralco 79 - David 20, Dillinger 14, Hodge 12, Butch 11, Hugnatan 7, Artadi 4, Ildefonso 2, Sena 2, Guevarra 2, Wilson 2, Mandani 2, Al-Hussaini 1, Caram 0, Salvacion 0.
Quarterscores: 23-17; 44-33; 72-60; 96-79.