MANILA, Philippines -Tinalo ni Gloria Liang ng Canada at Raveen Kingsley ng United States sina Tami Grende ng Indonesia, 6-4, 6-4 at Zheng Wushuang ng China, 3-6, 6-1, 6-1 para wakasan ang kanilang sunud-sunod na pagsibak sa mga seeded players sa 25th Mitsubishi International Junior Championships sa Rizal Tennis Center kahapon.
Ang panalo ay nagsaayos na semifinal showdown ngayong araw, sina Liang at Kingsley, ranked 131st at 134th sa International Tennis Federation rankings at seeded 14th and 15th sa weeklong tournament na ito.
Naunang sinibak ni Grende, ranked 158th, sina No. 10 Lizette Cabrera ng Australia at No. 8 Freya Christie ng Great Britain habang ginulantang ni Zheng, ranked 183rd sina No. 7 Olivia Tjandramulla ng Australia at No. 12 Plobrung Plipuech ng Thailand.
Nakaligtas naman si top seed Katie Boultier ng Great Britain laban kay No. 9 Ye Qui Yu ng China, 2-6, 6-4, 7-5.
Makakaharap naman ni Boultier sa semis si third pick Kimberly Birrell ng Australia na nagtala ng magaang panalo laban kay No. 5 Katrine Steffensen ng US, 6-3, 6-1.
Sa boys’ action, naitakas naman ni Rhett Purcell ng Great Britain ang 3-6, 7-5, 7-6 (4) panalo laban kay Mandresy Rakotomalala ng France sa labanang tumagal ng isa’t kalahating oras.
Makakaharap sa semis ni Purcell si No. 8 Bogdan Bobrov ng Russia na nagtala ng 7-6 (3), 6-3 panalo laban kay No. 3 Petar Conkic ng Serbia.
Kinailangan ding magbanat ng buto ni No. 1 Harry Bourchier ng Australia laban kay No. 7 Oh Chan Yeong ng South Korea, 6-1, 2-6, 6-1 para itakda ang semis duel laban kay No. 4 Kang Ku Keon ng South Korea na nanalo naman kay No. 6 Ly Nam Hoang ng Vietnam, 6-3, 6-3.