MANILA, Philippines - Nagpakilala ang kabayong Gonzee’s Song nang dominahin ang 2014 Philracom Ruby Anniversary Stakes Race noong Huwebes sa MetroTurf sa Malvar, Batangas.
Si Dominador Borbe Jr. ang hineteng sakay sa nasabing kabayo at napangatawanan ng tambalan ang paghawak sa bandera sa pagbubukas ng aparato.
Sa 1,400-metro ang distansya ng karera at ang Gonzee’s Song ay nanalo sa kahanga-hangang anim na dipang agwat sa Cleave Ridge ni Fernando Raquel Jr.
Ang Fairy Star ni Mark Alvarez ang siyang paborito sa limang kabayo na naglaban dahil na rin sa pangatlong puwestong pagtatapos sa Philracom 3YO Local Colts noong Enero.
Pero ang kabayong dating ginagabayan ni Pat Dilema ay tila naninibago pa sa pagdiskarte ni Alvarez upang mangulelat sa datingan.
Star pero nanlamig ito habang umiinit ang labanan para sa ‘di inaasahang masamang pagtatapos.
Ang pangyayari ay naglagay duda sa kakayahan ng Fairy Star na kuminang sa paglarga ng 2014 Triple Crown Stakes Race na magsisimula sa Mayo sa ikatlong racing club sa bansa.
Naiuwi ng winning connections ng Gonzee’s Song ang P300,000.00 unang gantimpala mula sa P500,000.00 na inilaan ng Philippine Racing Commission na nagdiriwang ng kanilang ika-40thtaon ng pagkakatatag para pangasiwaan ang horse racing ng bansa.
Ang Cleave Ridge ay nagkamit ng P112,500.00 habang ang Yes I Can ni JB Guce at Sweetchildofmine ni Jonathan Hernandez ang tumawid sa ikatlo at apat na puwesto para sa P62,500.00 at P25,000.00 gantimpala, ayon sa pagkakasunod.
Ito ang ikalawang Ruby Stakes na idinaos at ang una ay dinomina ng Amberdini noong Marso 18 sa Santa Ana Park sa Naic, Cavite.
Ang ikatlo at huling Ruby Stakes ay ilalarga sa Linggo sa San Lazaro Leisure Park sa Carmona Cavite at ang mga magtatagisan dito ay ang mga kabayong Penrith, Silver Sword, Captain Ball at Royal Reign.
Ang Gonzee’s Song ang siyang lumabas na pinakadehadong kabayo na nanalo sa unang gabi ng pista sa MetroTurf at naghatid ng P63.00 sa win habang ang 2-1 forecast ay nagpasok ng 994.50 dibidendo.
Lumabas ang kabayong Kimagure bilang siyang outstanding favorite na nanalo sa gabing ito.
Si Hernandez ang sakay ng Kimagure na tumakbo sa class division 1B sa 1,200m distansya at tinalo ng paboritong kabayo ang Serenada ni RV Brady.
May P6.50 ang ipinasok ng win habang ang di inaasahang pagsegundo ng Serenata ay may P45.50 sa 1-4 forecast. (AT)