MANILA, Philippines - Malalaman ang magandang epekto ng dalawang buwang pagsasanay sa US kay Merlito Sabillo sa pagharap niya kay Mexican challenger Francisco Rodriquez sa pagdepensa sa hawak na WBO minimumweight title bukas sa Arena Monterrey, Mexico.
Ito ang ikatlong pagdepensa ng 30-anyos na si Sabillo sa nasabing titulo at hangad ang kumbinsidong panalo upang makabawi sa ‘di magandang laban na nangyari sa Smart Araneta Coliseum noong Nobyembre 13.
Hinarap ni Sabillo si Carlos Buitrago ng Nicaragua at napahirapan ang Filipino champion sa kabuuan ng labanan.
Kumapit pa rin ang suwerte kay Sabillo dahil nauwi ito sa split draw upang manatiling hawak pa ang titulong napanalunan noong Marso 9, 2013 laban kay Luis De La Rosa ng Colombia sa pamamagitan ng eight round technical knockout.
“This is a chance for Sabillo to prove himself after what happened in his last fight,†wika ni ALA boxing vice president Dennis Cañete.
Para mapaghandaan ang laban, si Sabillo ay binigyan ng dalawang buwang pagsasanay sa US upang pagandahin ang kanyang porma.
Nasa Mexico na sina Sabillo, Cañete at trainer Ala Villamor upang makondisyon sa klima sa Mexico.
Inaasahang lamang sa laban si Sabillo (23-0-1, 12KOs) pero hindi puwedeng tawaran ang determinasyon at puso na ipakikita ni Rodriquez (13-2, 9KOs) dahil sa Monterrey siya isinilang at lumaki.
Nakuha ni Rodriguez ang karapatang lumaban sa world title dahil sa pagiging No. 9 sa dibisyon.
Si Eddie Claudio ang kinuhang referee habang sina Adalaide Byrd, Glenn Feldman at Victor Salomon ang mga magi-ging hurado.
Ang labang ito ay ipalalabas sa ABS-CBN sa Linggo ng umaga.