MANILA, Philippines - Malabong makalusot pa si Joseph Sy sa pagkakatanggal nito sa talaan ng mga coaches na sumasahod sa Philippine Sports Commission (PSC).
Ang pagkakaroon ng kaso patungkol sa paghawak sa mga ATMs ng mga atleta na nakapangutang sa kanya ang siyang nakikita ni chairman Ricardo Garcia na tuluyang magdidiin sa National head coach sa athletics.
Isinumite na ng 3-man investigation committee na itinakda ni Garcia ang kanilang rekomendasyon patungkol sa kasong hindi nagagampanan nina Sy at Rosalinda Hamero ang kanilang mga trabaho.
Hindi pa nababasa ni Garcia ang report pero tila hindi na magiging mahalaga ito dahil aminado ang PSC head na mas mabigat ang ikalawang reklamo kay Sy.
“May second complaint regarding the ATM and lending. More serious offense ito. I don’t know kung paano siya dito, because the athletes themselves brought it up,†wika ni Garcia.
Matatandaan na lumabas si Myanmar SEAG gold medalist Henry Dagmil para idiin si Sy na walang ginagawa at hawak ang mga ATMs ng atleta na kanyang pinauutang bagay na sinuportahan ng mga affidavits ng apat na iba pang tracksters na ibinigay kay PSC commissioner Jolly Gomez.
Bukas o sa Miyerkules tatalakayin ng PSC board ang nasabing rekomendasyon at aksyon sa ATM case ni Sy.
Samantala, itinalaga naman ni PATAFA president Go Teng Kong sina Alberto Lina, Atty. Heherson Simpliciano at Atty. Victor Africa para sa kanyang independent committee na susuri sa lahat ng reklamo kina Sy at Hamero.
Nagbuo si Go ng hiwalay na investigating panel dahil ito ang suhestiyon ng international body na IAAF at Asian Athletics Association upang hindi maakusahan ng government intervention ang Pilipinas dahil sa pagpasok ng PSC.
Dahil sa problema ni Sy, tinanggal muna siya ng PATAFA bilang head coach at hiningi rin ang pagbibitiw ng lahat ng kasapi ng coaching staff.
Itinalaga muna si Agustin Jarina bilang acting head coach at inatasan ni Go na buuin ang mga paksyon na nabuo sa PATAFA noong nawala siya ng isang taon dahil sa karamdaman. (AT)