Sa Ateneo ang women’s volleyball title, sa DLSU ang UAAP overall
MANILA, Philippines - Natalo man sila sa laban ay nakamit naman ng De La Salle University Green Archers at Lady Archers ang UAAP ge-neral championship.
Nakawala sa kanila ang women’s volleyball title at ang record na ‘four-peat’, ngunit pinagbidahan ng DLSU bets ang 28 events sa UAAP Season 76 para angkinin ang general championship sa ikalawang sunod na taon.
Kumolekta ang La Sallians ng 289 points para ungusan ang University of Santo Tomas na may 270 points.
Nagkampeon ang Taft-based student athletes sa men’s basketball noong Oktubre at sinundan ito ng mga panalo sa women’s basketball, men’s taekwondo, men’s table tennis, women’s judo at women’s chess.
Pumangalawa naman ang La Salle sa women’s volleyball, women’s badminton, men’s swimming, women’s table tennis, women’s tennis, men’s fencing at baseball.
Nakamit sana ng DLSU ang walong korona kundi lamang nasayang ang kanilang binitbit na ‘thrice-to-beat’ advantages sa ladies volleyball at table tennis title showdowns.
Nabigo ang Lady Spi-kers, winalis ang 14 game elims at nagtala ng 30-0 slate patungo sa finals, sa kanilang title showdown ng Ateneo Lady Eagles.
Isinuko naman ng Lady Paddlers ang kanilang bentahe sa University of the Philippines.
Nagtala din ang La Salle ng limang third-place finishes.
Nanaig naman ang Tigers at Tigresses, tinalo ng Archers para sa general championships noong nakaraang taon, sa women’s taekwondo at poomsae at walong ulit na naging runner-up.
Tumapos naman bilang third place ang University of the Philippines na nanalo sa men’s at women’s swimming at women’s table tennis sa kanilang inaning 235 points habang ang Ateneo na kampeon sa katatapos lamang na women’s volleyball ay No. 4 sa nalikom na 224. (O.Leyba)
- Latest