AUBURN HILLS, Mich. -- Umiskor si Paul George ng 30 points at rumesbak ang Indiana Pacers mula sa isang 25-point second-quarter deficit para ta-lunin ang Detroit Pistons, 112-104, sa overtime.
Nag-ambag si Evan Turner ng 20 points para sa Pacers at humugot si David West ng 6 sa kanyang 15 points sa overtime.
Iniwanan ng Indiana ang Miami ng 3 1/2 games sa kanilang karera para sa top seed sa Eastern Conference.
Nagdagdag si George ng 8 rebounds at 7 assists, bagamat naimintis niya ang kanyang jumper na siya sanang nagpanalo sa Pacers sa regulation period.
Umiskor si Josh Smith ng 23 points para sa Pistons.
Kinuha ng Detroit ang malaking 56-31 abante sa second period ngunit hindi nila ito napanatili hanggang sa second half.
Sa Philadelphia, tumipa si Mike Conley ng 19 points at may 14 si Zach Randolph para ihatid ang Memphis Grizzlies sa 103-77 win kontra sa 76ers.
Ito ang pang-20 sunod na kamalasan ng Philadelphia.
Natalo rin ang Sixers ng 20 sunod mula Enero 9, 1973 hanggang Pebrero 11 noong 1973 sa kanilang 9-73 season.
Ang NBA record para sa mahabang losing streak sa isang season ay 26 na nalasap noong 2010-11 ng Cleveland Cavaliers.
Binanderahan ni Michael Carter-Williams ang Sixers sa kanyang 23 points kasunod ang 20 ni Thaddeus Young .
Sa Washington, kumayod si John Wall ng 33 points, habang humugot si Drew Gooden ng 11 points sa kanyang tinapos na 21 sa final quarter para ibigay sa Wizards ang 101-94 panalo laban sa Brooklyn Nets.