Mga batang hoopsters mula sa Leyte makakarating sa US

MANILA, Philippines - Mula sa basketball court sa kalsada sa Leyte hanggang sa state-of-the-art facilities sa United States.

Buhat sa pangongopya sa galaw ni LeBron James sa TV ay makakapagpakuha sila ng larawan mismo kay “King James.”

Apat na Leyteño hoopsters na bumabangon mula sa pananalanta ng bagyong ‘Yolanda’ ang magkakaroon ng tsansang makapunta sa US kasama ang 14 pang standouts sa 2013 Batang Pinoy para dumalo sa SportsUnited program for basketball na itinataguyod ng US Department of State’s Bureau of Educational and Cultural Affairs at ng US Embassy Manila.

Ang grupo ay ang unang bulto ng mga Filipino na makikibahagi sa SportsUnited’s Basketball Visitors program sa Marso 18-31 sa Washington DC at Miami.

Ang nasabing youth exchange program ay may nakalatag na training, nutrition, fitness, life skills, conflict resolution, disability sports at exposure.

Ito ay katatampukan ng pagbisita sa US NCAA Division I team George Mason University sa Fairfax, Virginia at isang side trip sa Miami kung saan magkakaroon sila ng tsansang makita si James at ang Heat ni Fil-Am coach Erik Spoelstra.

“I’m excited to meet my idols in Miami,” sabi ng 15-anyos na si John Paulo Macayan ng Jaro, Leyte sa courtesy call ng delegasyon kay US charge d’ affaires Brian Goldbeck sa US Embassy.

“Magpapa-picture agad ako kay LeBron at ipapa-frame ko,” wika naman ng 14-anyos na si Vina Nicole Jaingue ng Tacloban.

Ang dalawa, kasama ang mga kapwa biktima ng ‘Yolanda’ na sina Myra Nacario ng Palo, Leyte at Wince Bretly Abas ng Tanauan, Leyte, ay tinutukan ang basketball para malimutan ang masama nilang eksperyensa. Namatay ang lolo ni Macayan, habang nawasak naman ang bahay nina Jaingue.

Namatayan ng kamag-anak ang 14-anyos na si Nacario at namatay ang ina at mga kapatid ng 13-anyos na si Abas.

Show comments