MANILA, Philippines - Nailista ni jockey Fernando Raquel Jr. ang ikaapat na sunod na panalo ng Arriba Amor matapos manalo sa nilahukang karera noong Martes ng gabi sa San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite.
May 11 kabayo ang sumali, kasama ang isang coupled entry, sa class division 2 race na inilagay sa 1,400-metro distansya at hindi ipinahiya ng hinete ang kabayo matapos ang dominanteng panalo.
May kabuuang 15 local at imported horses sa tatlong yugtong karera at ang mananalo sa bawat leg ay mag-uuwi ng P300,000.00 gantimpala.
Nalagay sa pangalawang puwesto ang Tribal King sa pagdadala ni class D jockey El Blancaflor para gumanda pa ang dibidendo sa forecast na 5-8 sa ibinigay na P38.50. Ang win ay nagpasok ng P8.50.
Gabi ni Raquel ang pagbubukas sa anim na araw na karera sa linggong ito dahil tatlong panalo ang kanyang naitala sa bakuran ng Manila Jockey Club Inc.
Ang unang panalong nakuha ni Raquel ay sa kabayong Captain Ball sa race four bago isinunod ang Queen Quaker sa race six.
Tila nakondisyon ang Captain Ball nang napalaban sa mabigat na second leg ng Imported/Local Challenge noong Marso 2 na napanalunan ng Tensile Strength matapos kakitaan ng malakas na pagtatapos.
Ang Café Rodolfo na hinawakan ni Jessie Guce ang pumangalawa sa datingan kahit binigyan ng pinakamabigat na handicap weight sa walong naglaban na 58 kilos.
Patok ang Captain Ball para magpasok ng P5.50 sa win habang P19.00 ang ibinigay sa 8-5 forecast.
Naipakita naman ng Queen Quaker ang pagkagamay sa pista ng MJCI matapos higitan ang pa-ngalawang puwestong pagtatapos noong huling kumarera rito noong Pebrero 8.
Hindi napaboran ang nasabing kabayo dahil pumang-anim lamang ito sa huling takbo at ang labanan ay kinakitaan ng pagbabalik ng mahusay na Penrith.
Pero wala pa sa tamang kondisyon ang kabayong sakay ni Dominador Borbe Jr. at ang nakalaban ng Queen Quaker ay ang Yellow Citizen ni JL Paano.
Ang tagumpay ng Queen Quaker ang siyang pinakadehadong kabayo na nagwagi sa gabi dahil nagkahalaga ng P35.50 ang win habang ang pagsegundo ng Yellow Citizen sa 1-8 forecast ay may P75.00 dibidendo. (AT)