Mag-iimbestiga sa kaso ng 2 PATAFA coaches: GTK may tiwala sa 3-man committee

MANILA, Philippines - Naniniwala si PATAFA president Go Teng Kok na magiging patas ang ilalabas na rekomendasyon ng 3-man committee na siyang nag-imbestiga sa kanyang dalawang National coaches na tinanggalan ng sahod ng Philippine Sports Commission (PSC).

Isinagawa kahapon ang ipinag-utos na imbestigasyon ni PSC chairman Ricardo Garcia at sina POC chairman Tom Carrasco Jr., PSC board secretary at Legal head Atty. Yen Chan at badminton National coach Allan de Leon ang siyang kinuha ni Garcia para sa komite.

Ang panel na ito ang siyang maglalabas ng kanilang rekomendasyon base sa isinagawang imbestigasyon na ipapasa sa PSC board para maaksiyunan nila.

Sumilip si Go sa PSC bago isinagawa ang imbestigasyon at saludo siya sa mga taong hinirang ni Garcia.

“I went to the PSC because I want to see who are the people who will compose the panel. After that, I left because I don’t want to influence any of the three members. But I’m happy and now, we will just have to wait for their recommendations,” wika ni Go.

Inalis ang buwanang sahod na nagkakahalaga ng P20,000.00 nina PATAFA coaches Joseph Sy at Rosalinda Hamero matapos akusahan ni PSC commissioner Jolly Gomez na hindi nagagampanan ang mga trabaho.

Binigyan ang dalawang coaches ng pagkakataon ng komite na sagutin ang lahat ng mga reklamo sa pagdinig na nagtagal ng halos tatlong oras.

“Pinagsalita lang kami base sa mga accusations sa amin. Maybe they may have judge us on what they hear or read but God will jugde me based on what is in my heart. I believe that we will be vindicated,” pahayag ni Sy.

Sinabi ni Garcia na ang gagawing rekomendasyon ng komite ay tatalakayin ng board para malaman kung mananatili o babawiin nila ang desisyon na ipinataw kina Sy at Hamero.

Show comments