MANILA, Philippines - Nadugtungan ng Key Boy ang magandang panalo na nakuha sa hu-ling takbo matapos mangibabaw sa special handicap race noong Sabado sa Santa Ana Park sa Naic, Cavite.
Si WP Beltran ang siyang sumakay sa kabayo sa pagkakataong ito kahalili ni Jordan Cordova na naipanalo ang Key Boy noong Pebrero 26.
Si Cordova ay nagdesisyon na ga-bayan ang Monte Napoleone sa karerang inilagay sa 1,200-metro distansya at ang tambalan ang siyang nagbigay ng matinding hamon sa Key Boy.
Magkasabay halos ang dalawa mula sa kalagitnaan ng karera at sa rekta lamang nakahulagpos ang Key Boy para sa mahigit na isang dipa na panalo.
Nakita din ang angking bilis ng Musashi matapos pangunahan ang 900-m sprint race na PRCI Special Race habang kuminang din ang takbo ng Papa Joe at Handsome Prince sa dalawang 3YO races.
Nailusot ni Dominador Borbe Jr. ang Musashi sa gitna ng mga nauunang Si Inday at Westerner sa huling 100-metro ng karera para makuha ang tagumpay.
Nakaremate pa ang Amazing Party ni JB Guce upang itulak sa pangatlong puwesto ang kabayo ni Rodeo Fernandez na Si Inday para sa banderang kapos sa karera.
Kumabig ang win ng P20.00 habang ang dehadong pagsegundo ng Westerner ay may P116.50 sa 6-8 forecast.
Nakitaan ng lakas sa rematehan ang Papa Joe sa pagdadala ni WC Utalla para masama sa mga nanalo kahit 'di gaanong pinaboran sa karera. Hindi ininda ng tambalan ang pagkakapuwesto sa outer lane para makabangon ito mula sa malayong ikalimang puwesto.
Magkakasabay ng lundag ang Papa Joe, napaborang True Steel at Answered Prayer sa rekta pero may inilabas pa ang kabayo ni Utalla tu-ngo sa isang kabayong panalo sa Answered Prayer ni Mark Alvarez.
Ang True Steel na ginabayan ni NK Calingasan at napatok dahil sa pangalawa at panalo na naitala sa hu-ling dalawang karera ay pumangatlo sa pagkakataong ito.
Nasungkit naman ng Handsome Prince ang ikalimang sunod na panalo sa taon nang talunin ang Roman Charm sa 1,300m race.
Lumayo agad ang nanalong kabayo sa pagdadala ni Pat Dilema sa pagbubukas ng aparato tungo sa banderang-tapos.
May P25.00 ang dibidendo sa win ng Papa Joe habang P120.50 ang 1-11 forecast nito habang P8.00 ang ibinigay sa panalo ng Handsome Prince at P24.50 sa 5-8 forecast. (AT)