Kritikal ang laban ni pacquiao kontra kay bradley

Alam nating pinaghahandaang mabuti ni Manny Pacquiao ang kanilang  laban ni Timothy Bradley Jr. sa Abril.

Kritikal ang laban na ito kay Pacquiao lalo pa’t dumating sa puntong kinuwestiyon na ang kanyang kakaya-hang manalo.

Nagkaroon na ng pagdududa sa kanyang pagiging mahusay na boksingero.

Ito ang magiging pang 63 laban ni Pacquiao sapul nang siya ay maging professional boxer at ito ay isa sa pinakamahalagang laban sa kanyang boxing career.

Bagama’t galing si Pacquiao sa impresibong unanimous decision win  laban kay Brandon ‘Bambam’ Rios noong Nobyembre, ang magi-ging resulta ng kanyang laban kay Bradley ay may mabigat na timbang sa kanyang career na malapit na sa takip-silim.

Kung gusto niyang patunayan na isa pa rin siya sa mahuhusay na boxers ngayon, importanteng ipanalo niya ang laban kontra kay Bradley.

Isa pa, ang panalo kay Bradley ay maaa-ring maging mitsa para matuloy ang pinaka-aabangang paghaharap nina Pacquiao at Floyd Mayweather Jr. Pero huwag tayong umasang mangyayari ito ngayong 2014. Posibleng mangyari ito sa susunod na taon bago magretiro si Pacquiao.

Kapag nanalo si Pacquiao, malamang na hindi na makakapagdahilan si Mayweather para hindi siya labanan.

Ang laban ni Pacquiao at Bradley ay rematch ng kanilang paghaharap noong  2012 kung saan naagaw ng American boxer ang WBO welterweight title  ng Sarangani Congressman.

Naging kontrobersiyal ang desisyon. Sa tingin ng marami ay si Pacquiao ang panalo. Ngunit nakuha ni Bradley ang titulo sa pamamagitan ng split decision.

Hindi lang si Manny ang may kailangang patunayan.

“This fight is for redemption to get credit I didn’t get in the first fight because people felt I didn’t win. That’s what it’s about for me,” pahayag ni Bradley sa isang panayam ng ESPN.

Ngunit para kay Pacquiao, kung hindi siya mananalo, posibleng tapos na ang kanyang makulay na boxing career.

Show comments