Idedepensa ang kani-kanilang titulo: Nietes, sabillo may laban

MANILA, Philippines - Nakatakdang itaya ni Merlito ‘Tiger’ Sabillo ang kanyang suot na World Boxing Organization (WBO) minimumweight crown laban kay Mexican challenger Francisco Rodriguez Jr. sa Marso 22 sa Mexico.

Kasalukuyan pang pinapanalisa ang mga de-talye para sa pagdedepensa ni Sabillo (23-0-1, 12 KOs) kontra kay Rodriguez (13-2-0, 9 KOs).

Nanggaling ang 30-anyos na tubong Toboso, Negros Occidental sa isang split draw sa kanyang huling laban kay Argentinian challenger Carlos Buitrago noong Nobyembre 30, 2013 sa Smart Araneta Coliseum.

Sinabi ni Buitrago na ‘hometown decision’  ang naging panalo ni Sabillo.

Dalawang sunod na panalo naman ang itinala ng 20-anyos na si Rodriguez matapos patumbahin ni two-division champion Roman Gonzalez sa round seven noong Setyembre.

Kasalukuyang nagsasanay si Sabillo, kasama si WBO light flyweight titleholder Donnie ‘Ahas’ Nietes sa Wild Card Boxing Gym ni trainer Freddie Roach sa Hollywood, California.

Si Roach ay nasa General Santos City ngayon kung saan niya inihahanda si Manny Pacquiao para sa rematch kay WBO welterweight king Ti-mothy Bradley, Jr. sa Abril 12 sa MGM Grand sa Las Vegas, Nevada.

Lalabanan ni Nietes, may 32-1-4 win-loss-draw record kabilang ang 18 KOs, si Mexican mandatory challenger Moises Fuentes  na may 19-1-1 record kabilang ang 10 KOs, sa kanilang rematch sa Mayo 10 sa Manila.

Ito ang ikaapat na sunod na pagkakataon na isusugal ng tubong Murcia, Negros Occidental na si Nietes ang kanyang WBO title matapos magkampeon noong 2011 laban kay Ramon Garcia Hirales.

Nauwi sa draw ang unang pagkikita nina Nietes at Fuentes noong Marso sa Cebu City.

Matapos ito ay pinatulog ni Nietes si Sammy Gutierrez noong Nobyembre, samantalang tatlong beses naman lumaban si Fuentes.

Show comments