Pagkakataon na ito ni Servania
MANILA, Philippines - Angkinin ang maituturing pinakamalaking panalo sa kanyang boxing career ang nais gawin ni Genesis ‘Azukal’ Servania sa pagharap sa da-ting world champion na si Alexander ‘El Explosivo’ Muñoz ngayong gabi sa Grand Ballroom ng Solaire Resorts and Casino sa Parañaque City.
Isang panalo kay Muñoz ay hindi lamang magpapanatili sa hawak sa WBO Intercontinental super bantamweight title kungdi magbubukas din ng posibilidad na mapalaban siya sa world title sa taong ito.
Pinatunayan ni Servania (23-0, 9KOs) na tunay na maganda ang kanyang pangangatawan matapos tumimbang sa 121 pounds at mas magaan siya ng isang pound sa beteranong si Muñoz (36-5, 28KOs) na pumasok sa eksaktong 122-pounds.
“Hi-level na boxer si Muñoz kaya hi-level din ang pagsasanay na ginawa kay Servania. Malaki ang tulong ng pagsasanay niya sa US at sa Mexico dahil tumaas ang confidence level niya. May mga adjustments kaming gagawin pero ipapakita na lamang namin ito sa ring,†wika ni trainer Edito Villamor.
Si Muñoz na nagbalak nang magretiro matapos matalo kay Leo Santa Cruz noong Mayo 4, ay nangakong bibiguin si Servania para buhayin uli ang kanyang boxing career.
Ang pa-boxing na ito ay handog ng ALA Boxing Promotions katuwang ang ABS-CBN at makikita rin ang husay ng mga wala pa ring talong sina Arthur Villanueva (24-0, 14KOs) at Jason Pagara (18-0, 12KOs).
Kalaban ni Villanueva ang Mexicanong si Fernando Aquilar (9-6, 1KO) at si Pagara ay makikipagbugbugan kay Isack Junior (22-4-2, 8KOs) ng Indonesia.
Sina Villanueva at Aguilar ay tumimbang sa 116 pounds habang sa 122 pounds pumasok sina Pagara at Junior. (AT)
- Latest