Rain Or Shine haharap ngayon kay Salud
MANILA, Philippines - Iniurong ngayong umaga ang dapat na pagpupulong sa pagitan ng PBA Commissioner’s Office at opisyales ng Rain Or Shine kahapon matapos ang muntik nang pagwo-walkout ng koponan sa Game Six ng PBA Philippine Cup finals noong Miyerkules ng gabi.
Ang Elasto Painters ang siyang humingi ng pagpapaliban ng meeting na agad ding pinaunlakan ni PBA commissioner Atty. Rodrigo Salud upang mapalamig pa ang sitwasyon.
Sa 11:39 ng ikalawang yugto at abante ng 13 ang San Mig Coffee, 30-17, nang atasan ni ROS coach Yeng Guiao ang mga bataan na tumungo ng kanilang dugout nang di nagustuhan ang tawag kay JR Quiñahan matapos ang defensive play kontra kay Marc Pingris.
Bumalik din ang ROS sa court matapos ang halos limang minuto at ipinagpatuloy ang laban na napanalunan din ng tropa ni coach Tim Cone, 93-87, para kunin ang pinag-labanang titulo.
Hindi nagbigay ng anumang pahayag si Salud sa nangyari hanggang hindi nadidinig ang paliwanag ng Rain Or Shine na inaasahang kakatawanin sa pagpupulong si board representative Atty. Mamerto Mondragon at team ma-nager Boy Lapid.
Pero malinaw umano sa batas ng liga ang mga kaparusahan sa bawat kamalian na gagawin ng mga coaches, players, officials at koponan at ito lamang ang ipaiiral ni Salud.
Nakasaad sa pinaigting na PBA By-Laws na ang ‘partial walkout’ ay papatawan ng P2M.
- Latest