MANILA, Philippines - Balak ng Philippine Amateur Track and Field Association (PATAFA) na dumulog sa korte para bigyan ng hustisya ang pagkakatanggal ng sahod nina national coaches Joseph Sy at Rosalinda Hamero ng Philippine Sports Commission (PSC).
Humarap kahapon sa pulong pambalitaan sina PATAFA president Go Teng Kok, VP Atty. Nicanor Sering, secretary general Benjamin Silva Netto at mga coaches na sina Sy at Hamero sa Orchids Garden upang ihayag ang patuloy na kawalan ng hustisya matapos alisan ng sahod kahit hindi pinagpapaliwanag sa mga ibinatong akusasyon ni commissioner Jolly Gomez.
“There is a possibility that we can file civil suit and we may seek damages because their reputations have been besmirch. As coach they were dismissed withour due process, without given the chance to explain their side,†wika ni Sering.
Ang hakbang ay gagawin matapos mabago ang naunang napagkasunduan nina Go at Gomez nang nagpulong upang pag-usapan ang naging problema nina Sy at Hamero.
Ang naunang pagsang-ayon ni Gomez na magsagawa ng imbestigasyon sa dalawang coaches na siyang hiningi ni Go ay hindi na magaganap at sa halip ay inimbitahan na lamang ng PSC ang PATAFA para sa isang pagpupulong sa Lunes.
Tinanggalan ng PSC ng tig-P20,000.00 sahod kada buwan mula Enero sina Sy at Hamero sa rekomendasyon ni Gomez dahil hindi umano ginagawa ng mga ito ang kanilang trabaho, bagay na pinabulaanan ng mga coaches.
Ayon kay Sy, hindi siya namamalagi sa Baguio kahit nandoon ang mga atleta para magsanay dahil may mga Baguio coaches na nakabase roon at inutusan siya ng PSC na maghanap ng bansang puwedeng pagsanayan ng Pambansang manlalaro.
Sa panig ni Hamero na inakusahan na nameke ng record para masama sa delegasyon ang alagang si Josie Malacad, sinabi niya na matagal nang natapos ang usaping ito dahil 2011 pa ito nangyari.
At hindi siya ang nagkamali kungdi ang nagsulat sa dokumento dahil si Malacad ay dapat na entrada sa 400m hurdles ngunit ang oras sa 400m dash ang nailagay para sa kanyang justification. (AT).