South African ang susunod na kalaban ni Donaire

MANILA, Philippines - Muling tatargetin ni Nonito Donaire Jr. ang isang world title matapos mapanalisa ang kanilang laban ni WBA/IBO featherweight champion Simpiwe Vetyeka ng South Africa, ayon sa isang boxing website.

Sa report ng Philboxing.com, kinumpirma ni Sampson Lewkowicz, kumakatawan sa promoter ni Vetyeka na Dragon Fire Promotions, ang naturang laban sa Mayo 31 sa Cotai Arena ng Venetian Resort sa Macau.

“Everything is done,” wika ni Lewkowicz kay Dong Secuya ng Philboxing.com mula sa Macau kung saan sila nagkausap ng Top Rank Inc.

Inangkin ni Vetyeka, may record na 26-2, kasama ang 16 knockouts, ang IBO at WBA fea-therweight crowns matapos pasukuin ang dating kampeong si Chris John ng Indonesia sa sixth round noong Disyembre.

Sinabi ni Lewkowicz na kuntento ang dala-wang koponan sa natu-rang negosasyon.

“Everyone’s happy and we get all what we wanted,” sabi niya.

Hindi pa lumalaban si Donaire matapos pabagsakin si Vic Darchinyan sa ninth round ng kanilang rematch noong Nobyembre.

Ang panalo kay Vetyeka sa Mayo ang magbibigay kay Donaire ng kanyang pang-limang world title.

Naghari na ang Fili-pino-American boxer sa flyweight, super flyweight, bantamweight at super bantamweight.

Sinabi ni Donaire na posibleng magsanay siya sa Pilipinas bilang paghahanda sa kanyang paghahamon kay Vetyeka.

Inilarawan ng tubong Talibon, Bohol si Vetyeka bilang “a really good fighter and is the toughest of all the guys in that division. He’s slick and he’s got power.”

Umakyat si Donaire sa featherweight class matapos mahirapan sa pinagmulang super bantamweight division.

Bago patumbahin si Darchinyan sa kanilang rematch ay natalo muna si Donaire kay Guillermo Rigondeaux sa huli niyang laban sa super bantamweight class noong nakaraang taon.

 

Show comments