Big Chill vs Blackwater sa do-or-die game

MANILA, Philippines - Isa lang sa pagitan ng Big Chill at Blackwater Sports ang matitirang nakatayo at magpapatuloy ng laban sa PBA D-League Aspirants’ Cup.

Sa ganap na ika-3 ng hapon sa The Arena sa San Juan City ay magsusukatan ang Superchargers at Elite sa isang do-or-die game at ang mananalo ang siyang makakalaban ng NLEX na umabante na sa finals.

Naitakda ang Game Three sa kanilang semifinals matchup matapos kunin ng tropa ni coach Robert Sison ang 95-84 panalo sa ikalawang tagisan noong nakaraang Huwebes.

Napahinga ang dalawang koponan kaya’t tiyak na kondisyon ang mga manlalaro nila sa inaasahang kapana-panabik na bakbakang ito.

Ang number two seed na Superchargers ay maghahangad na makapasok ng Finals sa ikalawang pagkaka-taon.  Ngunit ang unang pangyayari ay naganap noon pang 2011-12 Foundation Cup at natalo sila sa Road Warriors.

“We are determined to make the finals. We are the hungrier team and very much motivated for this game,” wika ni Sison.

Depensa ang pangunahing sinasandalan ng beteranong coach sa larong ito. Pero makakatulong din kung magpapatuloy ang magandang opensa ng kanyang manlalaro tulad nina Dexter Maiquez, Juneric Baloria at Jeckster Apinan na tumapos taglay ang 25, 13 at 13 puntos sa huling tagisan.

Hindi naman bago para sa Elite ang malagay sa isang do-or-die game sa ligang ito.

Ito na nga ang ikalimang sudden-death na haharapin ng bataan ni coach Leo Isaac na hanap na masungkit ang ikalawang dikit na D-League title matapos pagharian ang Foundation Cup noong nakaraang season laban sa NLEX.

“We have been in this situation many times before and I’m confident we will play with poise,” pahayag ni Isaac na nakauna sa serye, 84-72.

Ang mga beteranong sina Allan Mangahas, Kevin Ferrer at Narciso Llagas ang mga mamumuno sa koponan pero kailangang bumalik ang ganda ng laro ng guard na si Jericho Cruz.

Matapos pumuntos ng 19 sa Game One ay naposasan si Cruz sa ikalawang tagisan at tumapos lamang bitbit ang apat na puntos para kulangin sa opensa ang Elite.

 

Show comments