MANILA, Philippines - Hindi napatid ang enerhiyang ipinakita ng San Mig Coffee mula sa simula ng laro para itala ang 80-70 panalo sa Rain Or Shine sa Game Two ng PLDT my-DSL PBA Philippine Cup kagabi sa Smart Araneta Coliseum.
“Our guys were surprisingly ready,†wika ni Mixers coach Tim Cone. “We kept strong and kept our poise.â€
Ang Mixers ang nagdikta sa takbo ng laro pero ang maganda sa larong ito ay hindi nila pinabayaan ang depensa na pumigil sa transition game ng kalaban.
Ang panalo ay pambawi ng San Mig Coffee sa 80-83 pagkatalo sa unang tagisan para maitabla ang best-of-seven title series sa 1-1.
Si Peter June Simon ay gumawa ng 15 puntos para pangunahan ang dominasyon ng Mixers starters sa mga katapat sa ROS.
Sina Joe Devance at James Yap ay may tig-13 puntos habang si Pingris ay may 11 puntos, 12 boards, 4 assists at 2 blocks.
May apat pang puntos si Rafi Reavis para tulungan ang starting five ng San Mig Coffee sa paggawa ng 66 puntos laban sa katiting na 31 puntos ng Elasto Painters starters.
Si Jeff Chan ay may 18 puntos, kasama ang apat na tres, pero siya lamang ang nag-iisang nasa double-digits para sa tropa ni coach Yeng Guiao.
Ang bida sa Game One na si Paul Lee ay nagkaroon lamang ng pitong puntos habang sina Beau Belga at Jervy Cruz na naghatid sa 30 puntos sa huling bakbakan, ay may pinagsamang 15 lamang.
Nabuhay ang kamay ni Chan at tumipa ng tatlong tres para ibaba sa 10 ang kalamangan ng kalaban, 58-48 sa pagtatapos ng ikatlong yugto.
Pinaniwalaan na makakabalik na ang ROS matapos binuksan ni Lee ang huling yugto sa pamamagitan ng tres upang tapyasin pa sa pito ang agwat, 58-51.
Masasabing nagpahinga lamang pala ang Mixers dahil nagsanib-puwersa uli sina Pingris, Devance at Sangalang sa 13-2 bomba para itala ang pinakamala-king bentahe sa laro na 18 puntos, 71-53.