Splash of Class lumabas ang tunay na bangis

MANILA, Philippines - Ang pagkakaroon ng magandang premyo ang tila nakatulong para lu­ma­bas ang bangis ng Splash Of Class sa isinaga­wang PCSO Special Race kaha­pon sa Santa Ana Park sa Naic, Cavite.

Si Dominador Borbe Jr. ang siyang dumiskar­te sa kabayo na hindi na­paboran pero siyang lu­mabas na kondisyon ma­tapos dominahin ang 1,300-metro distansyang ka­rera.

Ito ang unang panalo ng kabayo na dating sakay si JB Cordero sa taon.

Nahagip ng connections ang P100,000.00 prem­yo na inilaan ng Phi­lippine Chari­ty Sweep­stakes Office sa na­nalong kabayo.

Walong  kabayo ang naglaban sa karera ngunit pagbukas ng aparato ay agad na bumulusok ang Splash of Class.

Sinikap ng Red Cloud at Yankee Three na suma­bay pero bumitiw ang hu­li sa pagdadala ni JB Gu­ce.

Nakadikit pa ang Red Cloud na hawak ni Val Di­lema at top choice sa ben­tahan pero hindi bu­mi­­gay ang Splash Of Class tungo sa panalo.

Naorasan ang nanalong kabayo ng 1:24 sa pinaglabanang distansya na unang tinakbuhan dahil ang mga huling mga karera na hinarap ay nasa 1,400-metro karera.

Ang second choice na Lady Leisure ay puma­ngatlo lamang, habang ang Chelzeechelzechelz ay pu­mang-apat na tumawid sa meta.

Dahil nadehado, nag­kamit ng P38.00 ang na­nalig sa husay ng Splash Of Class habang ang forecast na 8-4 ay nag­pasok ng P52.00.

 

Show comments