MANILA, Philippines - Nasilayan ang tibay ng Most Reliable sa rematehan nila ng Saint Tropez nang lumabas ang kabayo bilang pinakadehado na nanalo noong Miyerkules ng gabi sa pista sa MetroTurf sa Malvar, Batangas.
Si AR Villegas ang sumakay sa kabayo na hindi paborito pero pinalad na manalo matapos maunang tumawid sa meta ang tungki ng ilong sa mas paboritong kalaban sa pagdadala ni Jonathan Hernandez.
Isang class division 2 ang karera sa 1,000-metro distansya at ang Saint Tropez ang bandera mula pa sa kaagahan ng sprint race.
Pero matiyagang naghabol ang Most Reliable at ginamit ni Villegas ang latigo sa rekta para maipalabas pa ang natatanging lakas ng kabayo para sa panalo.
Nagdiwang ang mga kumampi sa Most Reliable dahil kumabig sila ng P388.00 sa win habang ang 4-3 forecast ay may P1,024.80 dibidendo.
Samantala ipapakita ng 1st leg Imported/Local Challenge champion na Classy And Swift ang kanyang mabangis na porma sa pagtakbo ngayong gabi sa San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite.
Isang special race sa 1,400-metro ang karerang lalahukan ng imported horse na sasakyan pa rin ni Mark Alvarez at pinatawan ng pinakamabigat na handicap weight na 57 kilos.
Inaasahang ginagamit ng connections ng kabayo ang karera bilang paghahanda sa second leg ng Imported/Local Challenge race sa Marso.
Kasama ring magpapasikat ang mga three year old na Willingandable at Beat Them All na sasali sa 3YO Handicap race one.
Si Pat Dilema ang sasakay sa Willingandable habang si JD Juco ang gagabay sa Beat Them All na beterano ng 1st leg ng 3YO Local Colts and Fillies race noong Enero.
Sampung kabayo ang magsusukatan sa nasabing kaera at tiyak na palaban din ang iba para maging kapana-panabik ang nasabing tagisan.