NLEX pasok sa finals Big Chill may pag-asa

MANILA, Philippines - Seryosong  naglaro ang NLEX para kunin ang 85-72 panalo sa Hog’s Breath Cafe at maabot na ang championship round ng PBA D-League Aspirants’ Cup na nagdaos ng aksyon kahapon sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.

May 16 puntos si Garvo Lanete para pangunahan ang pagpuntos ng lahat ng 11 manlalaro na ginamit sa laro upang tapusin ang best-of-three series sa pamamagitan ng 2-0 iskor.

“We started strong and we stuck to our game plan. We really wanted to finish the series so we can rest and prepare for the Finals,” wika ni Road Warriors coach Boyet Fernandez na naipasok ang koponan sa cham-pionship sa ikaanim na sunod na pagkakataon.

Umangat agad sa 20-8 ang NLEX at hindi na nili-ngon pa ang Razorbacks na nabaon ng 32 puntos, 76-44.

Hindi naman natapos ng Foundation Cup titlist Blackwater Sports ang kanilang serye ng Big Chill matapos kunin ng huli ang 95-84 panalo sa unang laro.

Gumana ang opensa at depensa ng Superchargers sa ikalawang yugto upang makalayo sa 15 puntos (55-40) matapos mapag-iwanan ng tatlo sa first period at napanatili ng mga alipores ni coach Robert Sison ang intensidad hanggang matapos ang laro para itabla ang serye sa 1-1.

“The boys showed character and their heart. I thought our defense was the key,” wika ni Sison.

Si Dexter Maiquez ay mayroong 25 puntos habang sina Juneric Baloria at Jeckster Apinan ay may tig-13 puntos para sa Supercharges na nakalamang ng hanggang 22 puntos, 64-42, sa ikatlong yugto.

Nagsikap ang Elite na idikit ang laro at ang layup ni Kevin Ferrer ang nagbaba ng kanilang agwat sa walo, 80-72, sa kalamangan ng Big Chill.

Ngunit pinangunahan nina Apinan at Cervantes ang malakas na pagtatapos para magkaroon ng sudden death sa Martes.

 

Show comments