2 PATAFA coaches hindi na pasasahurin ng PSC; GTK pumalag

MANILA, Philippines - Kahit umapela pa ang PATAFA ay hindi na magbabago pa ang Philippine Sports Commission (PSC) sa kanilang desisyon na alisin ang mga National coaches na sina Joseph Sy at Rosalinda ‘Roselyn’ Hamero sa listahan ng kanilang mga pinapasahod.

Ayon kay PSC chairman Ricardo Garcia, makatuwiran ang ginawa ng ahensya base sa report ni commissioner-in-charge sa athletics na si Jolly Gomez laban kina Sy at Hamero.

Iniulat ni Gomez na ang mga sinasanay na atleta nina Sy at Hamero ay hindi nanalo sa Myanmar SEA Games at may mga palsipikasyon din ng dokumento si Hamero para makapagpasok ng atleta sa National pool.

Si Sy ay hindi rin palagian na nasa Baguio habang nagsasanay ang Pambansang delegasyon para sa SEA Games dahil abala sa mga gawain sa tanggapan ng PATAFA.

“Nabigyan na sila noon ng warning pero hindi sila nagbago. Hindi naman tinatanggal ng PSC sila bilang mga National coaches ng PATAFA dahil wala ka-ming karapatan. Pero puwede naming alisin ang kanilang mga salaries. Kung gusto sila ng PATAFA walang problema pero sila na ang magbayad sa kanila,” wika ni Garcia.

Hindi tanggap  ng pangulo ng PATAFA na si Go Teng Kok ang aksyon na ito ng PSC lalo na si Gomez na kanyang inakusahan na pinipilit na ipasok ang American coach na si Ryan Flaherty sa kanilang hanay.

Tinuran pa ni Go na si Flaherty ay hindi rin nagtagal sa Baguio at umuwi agad pero hindi nagrereklamo ang PSC. Idinagdag pa ni Go na binabayaran ng PSC si Flaherty ng US$5,000.00 (P200,000.00) bukod pa sa P25,000.00 living allowance.

“Why are you (Gomez) carrying a grudge to our local athletics coaches to please and place your American coach? That foreign coach did neglect of duty more than our local coaches who are already proven in helping give honors to our country,” wika ni Go.

Puwede namang humingi ng apela ang PATAFA sa PSC, ayon kay Garcia, ngunit malabong baligtarin nila ang nasabing desisyon.

“They can appeal but I think they don’t have a chance. Marami na kaming tinanggal na mga coaches at atleta pero bakit ngayon lang na may nagrereklamo,” ani pa ni Garcia. (AT)

Show comments