Tensile Strength, Arriba Amor nalo

MANILA, Philippines - Nagpatuloy ang magandang ipinakikita ng Arriba Amor habang bumangon ang Tensile Strength sa pagkatalo sa huling takbo na nangyari noong Sabado sa San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite.

Ang Arriba Amor na hinirang na kampeon sa Philracom Sampaguita Stakes race noong nakaraang taon ay ginabayan ni Fernando Raquel Jr. at nakuha ng tambalan ang ikalawang sunod na panalo pero pangatlo ng kabayo sa taong ito.

Huling kabayo ang Arriba Amor na pumasok sa aparato at sa unang kurbada sa 1,300-metro karera ay kinuha ang kalamangan sa Sexy Eyes.

Follow the leader na ang nangyari dahil humataw nang humataw ang nagdominang kabayo na nanalo ng halos pitong dipa sa third choice na Money Song sa pagdadala ni CM Pilapil.

Outstanding favorite ang nasabing kabayo para magkaroon lamang ng balik-taya sa win (P5.00) habang ang 8-3 forecast ay may P23.00 dibidendo.

Sa special class division race sa 1,500-metro sumali ang Tensile Strength at pinawi ng kabayong sakay ni  Dominador Borbe Jr. ang mapait na pagkatalo sa Classy And Swift sa 1st Leg Imported/Local Challenge noong nakaraang buwan sa hugandong panalo.

Pinabayaan muna ng tambalan na umalagwa ang Batangas Magic pero nang makuha ang ayre ay humarurot ito tungo sa halos walong dipang panalo.

Ang anim na taong gulang na kaba-yong may lahi na Kangoo at Real Storm, ay kumubra ng pangalawang panalo sa taon at naghatid ng P5.00 sa win.

Ang Leonor na binigyan ng pinaka-mabigat na handicap weight sa walong naglabanan sa 57 kilos, ang pumangalawa para sa P13.00 na ibinigay sa 1-4 forecast.

Kasama rin sa mga nagpasikat ay ang kabayong Jazz Again na dinala ni CJ Reyes at kinuha ang unang panalo matapos ang ikatlong opisyal na takbo.

Sa 3YO and Above Maiden – Fillies tumakbo ang tambalan at dinaig nila ang hamon ng third choice Maximum Velo-city at second choice  Sky Bird.

Hindi naapektuhan ang Jazz Again sa masamang panimula nang malagay sa pangalawa sa bugaw sa 11 naglaban bago naisingit ni Reyes ang kabayo sa pagitan ng mga naglalaban sa unahan na Maximum Velocity at Sky Bird tungo sa panalo.

Binawi ng Jazz Again ang pang-apat na puwestong pagtatapos sa huling takbo para makapaghatid ng P8.00 sa win habang ang pagsungkit ng Maximum Velocity na sakay ni KB Abobo ay may P40.00 dibidendo sa 11-10 forecast.

 

Show comments