Harris nagbida para sa panalo ng Magic laban sa Thunder

ORLANDO, Fla. -- Maraming beses nang nakatunghay ang Orlando Magic ng mga paghihirap kesa pagdiriwang ngayong season.

Ngunit sa kanilang pagharap sa isa sa pinakamabigat na koponan kasama ang top scorer nito, hindi na pinalampas ng Magic ang pagkakataon na makapagdaos ng selebrasyon.

Isinalpak ni Tobias Harris ang slam dunk mula sa isang fast-break pass buhat kay Maurice Harkless kasabay ng pagtunog ng final buzzer para igiya ang  Magic sa 103-102 pagtakas laban sa Oklahoma City Thunder.

Hawak ng Thunder ang 102-101 abante sa dulo ng laro nang maimintis ni Kevin Durant ang isang jumper sa huling 2.9 segundo na nagbigay ng posesyon sa Orlando.

Ang mintis ni Durant ay nahablot ni rookie Victor Oladipo na nagpasa kay Harkless para sa slam dunk ni Harris.

“I saw Victor get the (rebound) and I just wanted to be down there, whether or not he shot a layup or if he made it, congratulate him, to get a tip-in - anything,” wika ni Harris. “But he kicked it to Mo and I just kept running. Mo saw me and my whole momentum was just to get it in the rim.”

Tumapos si Harris na may 18 points para sa Magic kasunod ang 16 ni Arron Afflalo.

Pinamunuan ni Durant ang Thunder sa kanyang 29 points at 12 assists.

 

Show comments